PAG-BAN SA DENGVAXIA MAGPAPALAKAS SA KASO – PAO

expert-dengvaxia

PINASALAMATAN NG Public Attorney’s Office (PAO) si Pangulong Rodrigo Roa Duterte gayundin ang Department of Health (DoH) at Food and Drug Administration (FDA) matapos maisapinal ang kanilang desisyon sa pamamagitan ng resolusyon kaugnay ng permanent revocation o tulu­yang pag-ban sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine sa bansa.

Sa ginanap na press conference, ikinagalak ni PAO chief Persida Rueda Acosta ang na­ging desisyon ng mga kinauukulan na aniya’y lalong nagpapalakas sa kanilang inilalabang kaso laban sa mga inirereklamong sangkot sa Dengvaxia vaccine.

Kamakailan lamang nang kanselahin ng FDA ang certificate of product registration (CPR) ng Dengvaxia vaccine makaraang hindi makapag- comply o makasunod sa mga kinakailangang dokumento katulad ng risk management plan ng kompanya kung kaya’t nabigo itong muling maibalik sa merkado ang naturang bakuna.

Sinabi naman ni Dr. Erwin Erfe, chief ng Forensic Laboratory ng PAO na  sinubukan pang umapela ng Sanofi sa FDA, DoH at Office of the President subalit nabigo silang paboran na maibalik sa merkado ang kontrobersiyal na anti-dengue vaccine.

Giit ni Erfe, sa pag-aaral ng Reasearch Institute for Tropical Medicine (RITM), lumalabas na mula sa 100, mayroong 62 porsiyentong magkakaroon ng serious adverse effect ang sinumang matuturukan ng naturang bakuna kung kayat lubhang nakababahala itong gamitin.

Samantala, tiwala naman ang PAO chief na unti-unti ng uusad ang kanilang mga inihaing kaso laban sa mga nadawit sa Dengvaxia vaccine.

Disyembre 2017 nang suspendihin  ni Health Secretary Francisco Duque III ang dengue vaccination program makaraang aminin ng Sanofi na ang Dengvaxia ay maaaring magdulot ng sakit na dengue kapag ang naturukan nito ay hindi pa di-nadapuan ng ganitong sakit. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.