NAKAHANDA ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na ipasara ang offshore gaming companies sa bansa kapag hindi naresolba ang mga isyu sa buwis, paggawa at krimen.
Ayon kay Pagcor Assistant Vice President Jose Tria, Jr., head ng licensing ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), bukas ang gaming regulator sa mga panawagan na isara ang mga negosyong ito sa bansa.
“We are openly coordinating with agencies na nagkakaproblema dito sa operations ng mga POGO sa Philippines. We are trying to help,” ani Tria sa CNN Philippines’ Balitaan. “Kapag hindi talaga ma-resolve, we will look into closing down the operations of POGOs.”
Itinigil na ng Pagcor ang pagtanggap ng mga bagong aplikasyon para sa POGO licenses noong Agosto ng nakaraang taon sa gitna ng dumaraming reklamo laban sa job losses, unpaid taxes, at maging sa national security.
Sa hiwalay na imbestigasyon ng Senado ay nabunyag din ang paglobo ng mga kaso ng prostitusyon at human trafficking dahil sa mga dinadalang kababaihan para sa POGO workers.
Isinawalat din ang ‘pastillas’ scheme, kung saan nagbabayad ang mga Chinese national ng grease money para madaling makapasok sa bansa.
Naniniwala ang Pagcor na madaling maresolba ang mga isyu na kinasasangkutan ng industriya ngunit nagbabala si Tria na ang pagpapasara sa 61 licensed POGO firms ay makaaapekto sa kita ng pamahalaan.
“Ang nakikita naming trend, just like any other industry, ay papunta na sa online. If we do not look at this industry now and then talagang mag-convert into online gaming, mamamatay siguro ang mga land-based casinos natin dito. We will lose the chance to raise revenues,” aniya.
“Pagcor collects taxes from POGO firms worth 2 percent of their gross gaming receipts every month. This is separate from the personal income taxes collected by the Bureau of Internal Revenue, which should be collected from the salaries given to POGO workers, most of them Chinese nationals,” sabi pa niya.
Sa datos ng gobyerno, ang POGO service providers ay may 108,914 empleyado. Nagpalabas na ang BIR ng may 170 notices para makolekta ang P27.35 billion na tax liabilities mula sa delinquent POGOs.
Noong nakaraang taon ay ipinasara ng ahensiya ang ilang POGO service provider makaraang matuklasang hindi nagbabayad ang mga ito ng tamang buwis sa pamahalaan. Kalaunan ay pinayagan din ang nasabing mga establisimiyento na ipagpatuloy ang operasyon nang magkaroon ng tax settlement sa BIR. CNN PHILIPPINES