(Pag di pinagbigyan ng LTFRB) MALAWAKANG TIGIL-PASADA BABALA NG TRANSPORT GROUP

BINIGYAN ng hanggang katapusan ng Pebrero ng transport group ang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para pagbigyan ang kanilang hiling na ibalik muna ang pisong provisional increase habang dinidinig ang mga petisyon nila para sa taas-pasahe.

Babala ni Ka Lando Marquez, Presidente ng Liga ng Transportasyon at mga Operators sa Pilipinas (LTOP), na kapag hindi pinagbigyan ang kanilang kahilingan ay magkakasa na sila ng malawakang tigil-pasada.

Sa katunayan aniya ay nagpulong na ang lahat ng mga lider ng transportasyon sa National Capital Region (NCR), CALABARZON at Central Luzon para sa pagsasagawa ng one-time bigtime transport strike.

Sinabi ni Marquez na labis na ang kanilang pagka-dismaya sa LTFRB dahil sa kawalan nito ng aksyon sa gitna ng sunod-sunod na taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Nabatid na umabot na sa P10 ang itinaas sa presyo ng kada litro ng diesel simula noong Enero kasunod ng ika-pitong oil price hike at muli na namang nagbabadya ang dagdag presyo sa darating na Martes, Pebrero 22. EVELYN GARCIA