MAHALAGA na mag-disinfect po tayo sa ating manukan nang sa gayon ay hindi basta-basta dadapuan ng sakit ang ating mga alagang manok panabong.
Ayon kay Bangis Magtanggo ng Bangis Gamefarm sa Baliuag, Bulacan, ang pag-disinfect ng manukan ay second line of defense lamang.
“Ang purpose nito aside from general cleanliness ay para hindi magkahawa-hawa ng sakit ang alaga natin. Mas apektado ng ganitong sitwasyon ang mga kagaya nating backyard (mas malaki lang po ang sa akin) na siksik ang manok sa kulungan dahil maliit ang pwesto,” ang sabi ni Bangis.
Ano po ang first line of defense? Boost the immune system of your fowls. At papaano ito gagawin?
“Tamang alaga at tutukan talaga ang aruga sa manok,” ani Bangis.
Ito po ang mga dapat nating gawin para lumakas ang immune system ng manok natin:
- Pakainin at painumin ng sapat at nasa oras ang manok mo. Iwasan magutom at magkagulo sa kulungan ang mga manok mo.
- Magbigay ng mga multivitamins at minerals, electrolytes at sa mga sisiw dagdag pa ang amino acids.
- Kung nakakulong palagi ay haluan ng greens or gulay ang pagkain ng sisiw natin. Magbigay rin ng probiotics kung mayroong halo sa inumin.
- Iwasang ma-stress ang manok. Huwag palaruan sa mga bata. Huwag hawakan nang hawakan. Huwag gulatin.
- Ilagay sa hindi mainit na lugar o sapol ng malakas na hangin. Bigyan ng magandang ventilation ang mga kulungan para makahinga nang maigi ang manok. Iwasan din ang overcrowding sa kulungan. Magbawas kung kailangan. Ibukod ang mga nangangaway sa kasama nila.
- Linisin maigi ang mga pakainan at painuman para maiwasan ang pagkakasakit. Huwag hayaan na madumihan ang pakainan at painuman ng mga manok natin. Nagagawan ito ng paraan.
- Tanggalin at linisin din ang mga ipot ng manok araw-araw para hindi pamahayan ng sakit at virus ang mga ito.
“Dito sa paglilinis papasok ang disinfection para mapatay ang mga germs and viruses. Dapat ang gagamitin ninyong disinfectant ay yaong may kakayahan din na makapatay ng viruses na nakakahawa,” ani Bangis.
“Ang gamit po namin sa manukan (hindi po ako endorser nito ha) ay Microban. Basta tama at regular ang gamit nito ay maganda ang resulta sa manukan natin. Ihalo lang sa tubig base sa nakalagay na dosage sa container at ilagay sa sprayer na maliit o kung malawak lawak ang backyard mo ‘yung malaking sprayer,” dagdag pa niya.
Comments are closed.