LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nag-uutos sa mga food esrablishment na i-donate ang kanilang natira o hindi naibenta subalit puwede pang pakinabangan na mga pagkain sa iba’t ibang charitable institutions.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Quezon City 1st Dist. Rep. Anthony Peter ‘Onyx’ Crisologo, bago ang Christmas break ng Kamara ay pinal na inaprubahan nila ang House Bill No. 4465, na siyang substitute bill sa nauna niyang inihain na House Bill No. 7956.
Paliwanag ng neoohyte lawmaker, layunin ng HB 4465 o ang “Act Mandating Food Establishment To Donate Unsold and Safe To Eat Products For Disposal” na masolusyunan ang kagutuman na nararanasan ng nasa mahigit dalawang milyong Filipino.
Partikular na nilalaman ng proposed measure na ito ang pagbabawal sa food establishments gaya ng fast food chains, bakery at pastry shops at iba pang katulad na negosyo na itapon ang mga hindi nila naibentang pagkain, na hindi naman masisira o mapapanis sa susunod na 12 oras.
Sa halip, ang mga sobrang pagkain na ito ay dapat na i-donate na lamang ng nabanggit na mga establisimiyento sa iba’t ibang charitable institutions.
Dagdag ni Crisologo, ang sinumang lalabag sa alituntunin ng HB 4465 kapag ito ay ganap na naging batas ay papatawan ng P25,000 hanggang P50,000 na multa sa bawat pagkakasala.
Maaari namang tuluyang kanselahin ng nakasasakop na local government unit ang license to operate ng establisimiyento na umabot sa limang beses ang paglabag.
Samantala, nakasaad din sa HB 4465 na ang Department of Trade and Industry (DTI) ang siyang tutukoy sa food establishments na magiging saklaw ng panukalang batas habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ang mangangasiwa sa pamamahagi ng mga ido-donate na pagkain. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.