HINDI pa rin maitago ni House Appropriations Chairperson Rep. Karlo “Ang Probinsiyano” Nograles ang pagkagulat sa endorsement sa kanya ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio noong Huwebes bilang senador sa kasagsagan ng selebrasyon ng ika-49 anibersaryo ng pagkakatatag ng Mandaue City sa Cebu.
“Nagulat ako, hindi ko inasahan ‘yon. Napakalaking aginaldo sa aking kaarawan,” pag-amin ni Nograles, na lingid sa kanyang kaalaman ay gagawin ni Mayor Duterte-Carpio ang pag-endorso sa kandidatura ng mga opisyal na naimbitahang dumalo sa nasabing okasyon.
Ang alkalde ng Davao City ay nakumbida sa nasabing okasyon upang magsilbi bilang isa sa mga panauhing pandangal, kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte, at inumpisahan ang kanyang talumpati sa pagpapasalamat sa Lungsod ng Mandaue sa suportang ibinigay ng siyudad sa kandidatura ng kanyang ama noong 2016 presidential elections kung saan lampas-kalahati ng 2.7 milyong mga botante sa lalawigan ng Cebu ang bumoto sa Pangulo.
Pahayag pa ni Nograles, na nagdiriwang ng kanyang ika-42 kaarawan ngayon, ikinagulat nya ang pagbanggit ni Duterte-Carpio sa kanyang pangalan at nanawagan para sa pagsuporta ng lungsod sa Pangulo sa pamamagitan ng pagbigay ng kanilang suporta sa mga kandidatong senador ng administrasyon. “Sabi nga ni Mayor Sara, magkaribal sa politika ang aming mga pamilya sa Davao. Ngunit ang kanyang pagtulak sa aking pagtakbo ay nagpapakita na ang aming puso para sa Davao, ang aming pagmamahal sa Mindanao at ang aming hangaring ihatid ang kaunlaran sa mga probinsya at lalawigan sa labas ng Kamaynilaan ay higit na nakaaangat sa aming politika,” ayon kay Nograles.
Sa nasabing okasyon na idinaos sa Mandaue City Cultural and Sports Complex, ipinakilala ni Duterte-Carpio si Nograles bilang isang magaling na mambabatas na siyang naghatid ng maraming proyektong pangkaunlaran sa unang distrito ng Davao.
“Tinuod man nga kani adto naa mi dili pagkasinabtanay sa pulitika pero dili nako madeny ang iyahang track record as our Congressman for the 1st District. (Totoo naman na nagkaroon kami ng mga pagkakaiba sa politika noon, ngunit hindi ko maaaring itanggi ang kahusayan ng kanyang track record bilang kongresista sa unang distrito). Napakadami ng kanyang nagawa para sa Davao City at marami syang ginawa para sa unang distrito ng Davao City,” ayon sa Mayora.
Pahayag pa ni Duterte-Carpio, si Nograles “ay tunay na masipag at magaling sa kung ano man ang kanyang ginagawa. Napakatalino at siya ay tatakbo bilang Senador sa susunod na taon—atoang suportahan si Karlo Nograles (suportahan natin si Karlo Nograles)!”
“Nagpapasalamat talaga ako kay Mayor Sara at ikinararangal kong makatanggap ng kanyang pag-endorso. Naniniwala ako, base sa napatunayan ng panunungkulan ng Pangulo, na nakikinabang ang buong bansa kung mga probinsiyano ang nakaupo sa pwesto,” ayon kay Nograles matapos ang talumpati ng alkalde ng Davao City.
“Ngunit, sa puntong ito, ayoko sanang isipin ang eleksiyon dahil ilang buwan pa ang bibilangin bago ang halalan. Kailangan muna nating atupagin, unang-una, ang pagsasabatas ng budget ng Pangulo para sa gobyerno sa susunod na taon at ang pagtitiyak sa tagumpay ng kanyang mga programa at proyekto. Trabaho muna tayo.”
Maliban sa pag-endorso ni Mayor Sara Duterte-Carpio, isa rin si Nograles sa walong indibidwal na pinangalanan ng PDP Laban na kabilang sa senatorial slate ng partido. Isinapubliko ito ni PDP-Laban President Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa isang pagtitipon ng mga pinuno ng nasabing partido.
Ayon kay Pimentel, muling iginiit ng Pangulo ang suporta sa tiket ng PDP-Laban para sa Senado “basta sila ay matapat, maprinsipyo, may puso para maglingkod, at magaling.”
Comments are closed.