(‘PAG HUNGRY, GOTO DADDY!) SINUBOK NG HAMON, PINASARAP NG PANAHON!

Ni Rex B. Molines

Isa sa mga patok na negosyo ngayon at walang pinipiling panahon ay ang goto at pares dahil kahit saan ka magpunta ay may madadaanan kang paresan. Bukod sa masarap na, swak pa sa bulsa! At maraming nag-aalok din ng ibat ibang pakulo o pa-toppings nito at kapag ito’y pumatok sa masa, ‘yun ang pipilahan ng madla. Gaya ng nakilala ng Pilipino Mirror sa isang paresan na aming natambayan sa Naic, Cavite ang Hungry GOTO Daddy!

Nakilala ng Pilipino Mirror ang may-ari ng Hungry GOTO Daddy na si kuya Aris Tatad, 47, taga Naic, Cavite. Madali lang mahanap ang kanilang puwesto along the highway ng Pasinaya Northeast Brgy. Timalan-Balsahan, Naic Cavite. Ito ang kauna-unahang paresan dito sa may highway na nagbukas na may sariling pwesto at pwedeng mag-dine-in. Binuksan nila ang kanilang paresan nitong nakaraang taon lang.

Ayon kay kuya Aris, wala sa plano niyang pumasok sa food industry. Nakasanayan umano niya ang magtrabaho bilang isang empleyado. Dati siyang QA Staff at Customer Service Staff sa isang BPO company sa SM Mall of Asia (MOA) sa Pasay City. Ngunit dahil sa kanyang health condition ay pinayuhan siya ng kanyang doctor na maghanap ng trabahong hindi makasasama sa kanyang kalusugan lalo na graveyard ang naging trabaho nito dati.

“It started 2014, after I resigned from my company due to health condition. Graveyard po ang pasok ko at ‘di naging stable yung tulog ko dahil laging puyat. Kaya’t nagkaroon po ako ng hypertension vertigo at madalas sinusumpong ako during working hours.” Pahayag ni kuya Aris.

“As doctor’s advice, maghanap daw ako ng trabaho na ‘di maco-compromise ‘yung health ko. And this is when I started to think about business.” Dagdag pa ni kuya Aris.

Hindi naging madali para kay kuya Aris na simulan ang kanyang negosyo dahil wala naman itong kinalaman sa naging trabaho niya noon at isa pa malayo ang kanyang pagtatayuan ng negosyo. At karamihan pa ng subdivision dito ay mga bagong tayo. Dahil sa kailangan niyang magdesisyon, pinili ni kuya Aris na subukan pasukin ang pagnenegosyo ng goto at pares. Aniya, hindi raw siya pwedeng huminto sa pagbabanat-buto dahil may pamilya siyang dapat buhayin at ang kanyang sakit na nagpapahirap din sa kanya.

“Natatandaan ko po yung sinabi ng aking Professor sa college, [Walang umaasenso sa pagiging empleyado, kung gusto mo yumaman magtayo ka ng Negosyo].” Pagbabahagi ni kuya Aris.

“…at napatunayan ko ‘yan sa ilang taong pagtatrabaho ko ‘di masyado nagbago ang buhay ko, dahilan para subukan ko ang pagnenegosyo,” ani kuya Aris. Isa sa mga dahilan kung bakit nagiging matagumpay ang mga negosyanteng sumusubok pasukin ang pagnenegosyo ay ang kanilang mga pamilya. Kapag ang pamilya na ang pumasok sa ating paglaban sa buhay ay mas nagiging pursigido tayo para maibigay ang kanilang mga pangangailangan at maiangat ang ating pamumuhay sa lipunan.

“..at syempre sa pagbuo ng aking mga pangarap inspirasyon ko dyan ang aking butihing asawa na si Jennifer at 3 mga anak na sina Ayesha Krystel, Andrei Krystopher at Adrian Krystian.” Pahayag ni kuya Aris.

Sa kasalukuyan, mayroon ng tatlong bukas na outlet ang Hungry GOTO Daddy sa Naic, Cavite; una sa Pasinaya Northeast (along the highway); ikalawang outlet sa Ciudad Nuevo Phase 2 (beside entrance gate); at ikatlong outlet sa Pagsibol Subdivision, Brgy. Timalan-Balsahan, Naic Cavite.

Ayon pa kay kuya Aris, nais niyang dumami pa ang kanyang negosyong sinimulan para makatulong din sa kanyang mga kababayan na mabigyang oportunidad na makapagtrabaho at kumita.

Anumang hamon ang dumating sa ating buhay, pinagtitibay tayo ng panahon. Gaya nga ng sabi ni kuya Aris, pagkain ang nagbubuklod sa kanilang pamilya, pagkain din ang kanyang tinatahak na hanapbuhay, kaya ‘Pag Hungry, GOTO Daddy!