KINAPOS lamang ng halos limang porsiyento (5%) ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pabahay para sa mga low-income households sa taong 2017.
Katumbas na 95.51% porsiyento ang naipamahagi o 221,073 kumpara sa target nitong 231,457, ayon sa ulat ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa pamumuno ni Chairperson Eduardo D. Del Rosario sa isang “Key Shelter Agencies (KSA) meeting.”
Kasama sa mga tulong na ito ng gobyerno ang pagbibigay ng pondo sa katulad ng house and lot package, bahay lamang, maayos na lote, o kaya mga materyales pambahay na maaaring gamitin sa pagpapaganda/pagpapaayos lalo na sa mga pamilyang nasira ang tirahan dahil sa mga kalamidad.
Sa datos ng National Housing Authority (NHA), socialized housing production arm ng pamahalaan, nakapagbigay ng 82,883 low-income households na mayroong kasiguruhan na hindi basta maaalis sa kanilang tahanan.
“Nakikinabang dito sa mga programa ng NHA ang mga informal settlers lalo na ‘yung mga nakatira sa “danger zones” at mga pamilyang apektado ng kalamidad. Kabilang din sa makikinabang sa programang pabahay ng gobyerno ang ating mga pulis at sundalo,” ayon kay Del Rosario.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror, sinabi ni Del Rosario na tatagal ng tatlong taon ang rehabilitasyon sa Marawi affected area o tantiyang tatagal bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa taong 2022.
“Ang Pag-IBIG Fund naman, nakapagpautang na sila sa 99,047 na bahay, o mahigit sa 140% porsiyento sa target nitong 70,684 sa mga miyembrong may higit na mababang sahod o katumbas ng P83.27 bilyon,” dagdag pa ni Del Rosario.
Ito ay sa kabila ng pagpapagawa ng mga tahanan kahit hindi pa nito natatanggap ang kanilang budget allocation mula sa national government, sa halip ginamit nito ang kanilang “financing programs” kasama na ang “End-User Financing Program and Affordable Project Housing Program”.
Sinegundahan naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti na ang Pag-IBIG Fund ay para sa kapakinabangan ng mga miyembro nito.
Ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) naman, ang pangunahing ahensiya ng gobyerno para magdaos ng mga social housing program na makatutulong sa mga formal at informal sector, ay nagbigay tulong pinansiyal para sa pagbili ng lupa, pagpapaayos ng lugar at bahay sa 10,468 Informal Sector Families (ISF) na kinabibilangan ng 73% sa target nitong 14,431 ISF sa taong 2017.
Nakapagbayad naman ang Home Guaranty Corporation (HGC) ng 28,675 home mortgages na nagsimula sa mga pribadong financial institutions o 85% sa target nitong 33,647 units sa taong 2017. CRIS GALIT
Comments are closed.