SA panahon ngayon na patuloy na may banta ng mga nakakahawang sakit, tulad ng pertussis, mahalaga rin ang pagiging responsable sa pagtanggap at pagpapakalat ng impormasyon.
Dapat tayong maging mapanuri at kritikal sa mga balita at impormasyon na ating natatanggap, at tiyakin na ito ay mula sa mga mapagkakatiwalaang pinagmulan at mga eksperto sa larangan ng kalusugan.
Ang pertussis, o mas kilala bilang “whooping cough,” ay isang nakakahawang sakit na patuloy na nagiging banta sa kalusugan ng mga Pilipino, lalo na sa mga bata at sanggol.
Masasabing hamon ito sa kalusugan ng ating bayan na agarang tinutugunan ng pamahalaan at buong komunidad.
Isang nakakahawang sakit ang pertussis na kumakalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing, at ito ay lalo pang nagiging mapanganib daw sa mga sanggol at mga bata.
Ang sintomas nito ay maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon sa respiratory system at maaaring magdulot ng pagkamatay, lalo na sa mga sanggol na wala pang sapat na proteksyon mula sa bakuna.
Isa raw sa mga pangunahing dahilan ng pagdami ng kaso ng pertussis sa bansa ay ang kakulangan sa pagpapabakuna.
Maraming mga komunidad, lalo na sa mga rural na lugar, ang hindi sapat na naaabot ng mga serbisyong pangkalusugan na nag-aalok ng libreng o abot-kayang bakuna laban dito.
Ang kakulangan din sa tamang kaalaman at edukasyon tungkol sa kahalagahan ng bakuna ay nagiging hadlang sa pagpapabakuna ng maraming indibidwal.
Ibinahagi naman ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa ang magandang balita na nag-”plateau” na raw ang mga kaso ng pertussis sa bansa.
Hindi na raw tumataas ang whooping cough cases, isang tanda ng pag-usad sa laban kontra sa nakakahawang sakit na ito.
Gayunpaman, hindi pa rin dapat maging kampante.
Kailangan pa rin nating maging mapagmatyag dahil patuloy pa rin ang banta ng pertussis sa kalusugan ng ating mga kababayan.
Mahalaga ang patuloy na pagtitiyak ng tamang datos at pagsusuri mula sa mga Regional Epidemiology Units upang masiguro ang epektibong pagtugon dito.
Mahalaga rin ang pagpapabatid ni Herbosa na ang mataas na bilang ng mga kaso ay dahil sa hindi pagpapabakuna ng pangontra sa sakit.
Kaya naman, mas higit na kailangan nating magtulungan upang paigtingin ang kampanya sa pagpapabakuna at magbigay ng sapat na impormasyon at suporta sa mga magulang.
Tunay na ang laban kontra sa pertussis ay patuloy na pagsubok sa ating bansa.
Dapat tayong magtulungan, maging maagap sa pagtugon, at patuloy na magbigay ng suporta upang mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mamamayan, lalo na ang mga pinakamahihina at pinakamaliliit sa ating lipunan.