(Ni CS SALUD)
MAGULO na ang mundo. Ibang-iba na kumbaga sa nakasanayan natin. Dahil na rin sa pabilis nang pabilis at paganda nang pagandang teknolohiya, napadadali ang ating pang-araw-araw na gawain.
Hindi na nga naman mabilang ang mga nagsisipagsulputang electronic gadget na nagpapadali ng trabaho ng marami sa atin. Ngunit sabihin mang nakatutulong ang gumaganda at mabilis na teknolohiya o mga gadget sa pang-araw-araw nating pamumuhay, hindi pa rin natin masasabing sa bawat sandali ay ligtas itong gamitin. Kung minsan kasi, lalo na kung hindi tayo nag-iingat, ito pa ang nagiging dahilan ng ating kapahamakan.
Kahit sino—nagtatrabaho man, nag-aaral o hindi ang naeengganyo sa paggamit ng mga teknolohiyang nagkalat ngayon sa merkado. Isa na nga riyan ang gadgets. Malaki rin naman kasi ang naitutulong ng gadgets, halimbawa na lang sa mga estudyante. Dahil nga naman sa gadget ay natutugunan ang pangangailangan ng isang estudyante. Kumbaga, nagagamit nito ang gadget sa pagre-research, paggawa ng assignment at kung ano-ano pang kailangan nitong gawin para sa pag-aaral. Gayundin sa mga em-pleyado, Malaki rin ang naidudulot ng gadget. Dahil nga naman dito ay nakakapag-communicate ang magkakatrabaho. Napadadali rin ang mga gawain. Nakatutulong din ang teknolohiya upang mapalawak ang kakayahan ng bawat isa sa atin.
Ngunit kasabay ng pagkahilig natin sa mga gadget ay dapat nating matutunan ang pagiging responsable.
Ilan sa mga kadalasang tinatambayan ng marami sa atin ang Facebook, Twitter, Instagram, Tumblr at mga blog site. Patok na patok nga naman ang mga ito. Halimbawa na lang ang Facebook, dahil sa nasabing social media site ay nagkakaroon tayo ng mga kakilala. Dito rin ay maaari nating mahanap ang mga dati nating kaibigan o kamag-anak na hindi na natin nakakausap o nakikita.
Sa social media sites din tayo nakababasa ng mga pangyayari sa paligid. Kumbaga, nagiging updated tayo sa paligid o lipunang ating ginagalawan.
Ngunit kung gaano nakatutulong ang mga social media site sa bawat isa sa atin, marami rin ang makikilala nating mapagsaman-tala. Kumbaga, naghihintay lang ng tamang pagkakataong makapanlamang ng kapwa. At dahil hindi na mabilang ang mga manlolo-ko sa mundo, kailangang mag-doble ingat ang marami sa atin. Kaya naman, narito ang ilang tips para maging ligtas sa internet:
HUWAG MAGLALAGAY NG MGA PERSONAL NA IMPORMASYON
Nang maging ligtas sa kahit na anong panganib sa cyberworld, iwasan ang paglalagay ng mga personal na impormasyon gaya ng buong pangalan, tirahan, contact number at mga pribadong larawan.
Sarilinin din ang password at huwag ipaaalam kung kani-kanino nang ma-secure mo ang iyong account at hindi ito mabuksan ng kung sino-sino.
May ilan na sinasabi sa kaibigan ang kanilang password para nga naman kapag nakalimutan, may mapagtatanungan sila. Ngunit hindi magandang ideya ang pagbabahagi ng password. Puwedeng ngayon, magkaibigan kayo pero paano sa mga susunod na panahon. Paano kung bigla kayong hindi magkasundo?
Ikaw lang dapat ang nakaaalam ng password mo sa iyong social media accounts. Ugaliin din ang madalas na pagpapalit ng password nang hindi mabiktima ng hackers o masasamang loob.
HUWAG MAKIKIPAGKITA SA HINDI NAMAN TALAGA KAKILALA
Isa sa nagiging daan upang magkaroon ng kakilala o mga kaibigan ang social media sites. Marami sa atin na ginagamit ang mga nabanggit na platform upang magkaroon ng mga kaibigan.
Gayunpaman, pakatatandaan nating hindi lahat ng mga makikilala natin sa cyberworld ay matitino o mababait. Mayroon diyang mapanlinlang. Kakaibiganin ka. At kapag naging palagay na ang loob mo sa kanya, saka na gagawin ang pakay nila.
At para maiwasan ang mga manloloko sa mundo ng internet, huwag basta-basta makikipagkita sa mga nakilala lang sa social media sites.
Kung makikipagkita man, siguraduhing magkikita kayo sa mataong lugar at magdala rin ng kasama. Huwag makikipagkita ng mag-isa nang makasiguro.
Mabuti na nga naman ang naniniguro.
KILATISIN MUNA ANG NAKIKIPAGKAIBIGAN
Pagkakaroon ng mga kaibigan, isa iyan sa intensiyon ng marami sa atin kaya’t gumagawa ng sariling account sa social media.
Marami nga rin namang magkasintahan ang nagkakilala sa mga social media site.
Gayunpaman, kilatisin pa ring mabuti ang mga ia-accept natin sa Facebook.
Puwede kasing hindi naman sila totoong tao o nanloloko lang. Puwede mong i-check ang pangalan nila, litrato at kung sino-sino ang common friends ninyo.
Oo, masarap ang magkaroon ng maraming kaibigan. Ngunit mas masarap kung totoo ang mga kaibigang iyan at hindi lamang mga makina.
HUWAG DING BASTA-BASTA MAGPAPADALA O MANINIWALA SA MGA NABABASA
Hindi lahat ng nababasa natin sa online o internet ay dapat nating paniwalaan.
Maging wais sa mga impormasyong nakikita o nababasa. Hindi lahat ng tao ay tunay ang inilalagay na impormasyon. Marami riyan ang gumagamit ng pekeng pangalan hindi dahil gusto nilang maging pribado sa kanilang buhay kundi dahil gusto nilang makapanloko ng mga inosenteng tao.
IPAALAM SA PAMILYA KUNG MAY NANLOLOKO
Kung nakatatanggap naman ng mga pagbabanta sa hindi kilalang tao o kaya naman nakararanas ng pambu-bully, ipaalam kaagad ito sa pamilya nang matulungan kang malutas ang problemang kinahaharap.
Maging maingat tayo, lalong-lalo na sa mundo ng internet. (photo credits:maccablo.com, herefordcs.com, dailyasianage.com)
Comments are closed.