IPINAUUBAYA na ni Senador Christopher Bong Go ang pagpapasya kay Senate Blue Ribbon Chairman Richard Gordon kaugnay sa hirit na padaluhin sa senate hearing si Senadora Leila de Lima.
Ito ay dahil sa pagkakasangkot ni de Lima sa mga nakinabang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Paliwanag ni Go, ayaw niyang makulayan ng politika kung siya ang mag-gigiit ng pagdalo ni de Lima sa pagdinig.
Binigyang diin nito, patas siya at walang sasantuhin, mananagot ang mga may kasalanan kahit ano pa ang political affiliation ng mga ito.
Gayundin, kumbinsido ang senador na marami ang sumakay sa proseso ng GCTA at marami ang kumita rito.
Ayon kay Go, nakapagtatakang mas marami ang mga nasa minimum compound na qualified sa mas maagang paglaya dahil sa GCTA law pero nauuna pa ang mga nasa maximum compound na mas malaki ang kasalanan na makalabas.
Dahil dito, aniya, malinaw na gumagana ang pera sa pagproseso ng naturang batas.
Kaugnay nito, binuweltahan naman ni de Lima ang ilang kapwa Senador dahil sa tila paglilihis papunta sa kanya ang imbestigasyon ng Senado sa GCTA for sale.
Aniya, ginagamit lang ang kanyang pangalan bilang scapegoat sa GCTA mess.
Sa ambush interview, binigyan diin ni Blue Ribbon chairman Richard Gordon na malinaw naman ang mga testimonya ng mga testigo laban sa senador sa mga katiwalian sa NBP.
Una nang nagpalabas ng kautusan ang Office of the Ombudsman upang pagpaliwanagin sina de Lima at dating DILG Sec. Mar Roxas tungkol sa pagpapatupad ng IRR na kanilang binuo para sa pagpapalaya ng mga convicted prisoners. VICKY CERVALES
Comments are closed.