PUMAPALAG na umano ang ilang pharmaceutical companies sa rekomendasyon ng Department of Health na babaan ang presyo ng 120 gamot sa ilalim ng maximum drug retail price (MDRP) scheme.
Inihayag ni DOH Pharmaceutical Division chief Melissa Guerrerro na nag-abiso sa kanila ang ilang pharmaceutical company na babagal o maaaring hindi na ipasok ang ilang brand ng gamot sa bansa sa panukala ng ahensiya.
“Ang sinasabi po nila, babagal ang pagpasok ng innovative drugs sa Pilipinas, so hindi na sila papasok dito,” ani Guerrerro.
Inaasahang bababa ng 54 porsiyento ang halaga ng gamot para sa naturang mga sakit kapag napirmahan ang executive order (EO) para sa MDRP.
Kapag naaprubahan, ito na ang pangalawang beses na magpapatupad ng mas murang presyo ng mga gamot.
Kasama sa tatapyasan ang presyo ang mga gamot ng ilang uri ng cancer, sakit sa bato, baga, maging ang mga sakit sa mga bagong panganak na bata.
Halimbawa, ang presyo ng 5 miligramong tableta ng high blood medicine na Amlodipine na may halong Bisoprolol ay posibleng bumaba sa P19.53 mula P29.45.
Maaari namang umabot sa P2,167.84 mula P3,570 ang presyo ng Regorafinib, isang gamot kontra colon cancer, kapag naipatupad na ang MDRP.
Ayon sa DOH, mas mataas pa rin kasi ang binabayaran ng mga Filipino sa mga gamot.
Iginiit ni Guerrerro na hinihingi lang ng pamahalaan na magbenta ang mga kompanya sa resonableng presyo at hindi para malugi ang mga ito.
“Ang primary intent nito ay maging affordable at accessible ang gamot sa mga mamamayan. We can’t have universal health care kung mahal ang gamot,” ani Guerrerro.
Patuloy ang konsultasyon ng DOH hanggang Oktubre ukol sa MDRP, bago ito irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Comments are closed.