PAG-IMPORT NG SIBUYAS TIGIL MUNA

SIBUYAS

SINUSPINDE ng Department of Agriculture (DA) ang lahat ng onion importations dahil nananatiling sapat ang local supply hanggang sa katapusan ng taon at makaraang mangako ang mga grower na ibebenta ang kanilang produkto sa mas mababang presyo.

Ipinalabas ni Agriculture Secretary Emmanuel F. Piñol ang Department Order 11 na nag-aatas sa pansamantalang pagsuspinde sa paggamit ng lahat ng unused sanitary phytosanitary import clearances (SPS-IC).

Ang SPS-IC ay i­nisyu ng Bureau of Plant Industry, isang attached agency ng DA, upang payagan ang mga importer na makapagpasok ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa.

“In support to the local onion growers, and in view of the sufficient supply of onion in the local market, the utilization of the un-used Sanitary and Phytosanitary Import Clearance is hereby temporarily suspended,” nakasaad sa Department Order 11 na may petsang October 17.

“This order shall take effect immediately and shall remain in force until revoked or amended,” dagdag pa nito.

Sa hiwalay na pana­yam, sinabi ni Piñol na ipinalabas niya ang kautusan kasunod ng kasunduan sa local onion producers na nangakong ipalalabas ang kanilang stocks, na sapat hanggang Disyembre 31, sa P60 per kilogram.

“It was a compromise reached after local onion farmers said they still had 14,000 [metric tons of red onion], which they were willing to release at P60 per [kilogram],” ani Piñol.  “[The volume] would be good until the end of the year.”

Noong Agosto ay sinuspinde ni Piñol ang special safeguard (SSG) duty sa onion imports upang bigyang-daan ang pagpasok ng mas murang spice, na inaasahang magpapababa sa retail prices ng puti at pulang sibuyas sa P55 per kilogram at P65 per kilogram, ayon sa pagkakasunod.

Gayunman, ang pag-aalis ng SSG duty sa onion imports ay umani ng batikos mula sa mga grower dahil sa umano’y kawalan ng konsultasyon.

Ayon sa ilang onion growers, ang pagpasok ng mas murang onion imports ay hihila sa farm-gate prices dahil ang sektor ay may sapat pang supply upang matugunan ang panga­ngailangan ng bansa sa loob ng tatlong buwan.

Paliwanag ni Piñol, hindi na kailangang ibalik ang SSG duty sa onion imports dahil hindi na magkakaroon pa ng importas­yon.

“Without importation, there’s no need to reimpose the SSG. We will closely monitor prices in the market and act accordingly,” aniya.

“The prices are very low [now]. It’s between P35 [per kilogram] to P40 [per kilogram] in the market,” dagdag pa niya.

Sa pinakabagong price monitoring report ng DA, hanggang noong October 19, ang average retail price ng pulang sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila ay nananatili sa P87.50 kada kilo mula sa October 17 level.

Nakasaad pa sa report na ang average retail price ng imported red onion sa kaparehong panahon ay bumagsak ng 4.66 percent sa P74.84 kada kilo mula sa P78.5 kada kilo noong October 17.  JASPER ARCALAS

Comments are closed.