PAG-IWAS SA FOOD POISONING HABANG BUMIBIYAHE

FOOD POISONING-2

(Ni CT SARIGUMBA)

HINDI maiiwasan na makaranas tayo ng food poisoning habang bumibiyahe. Isa nga naman ang pagkain sa kinahihiligan ng marami. Sa tuwing nagtutungo rin tayo sa ibang lugar, hindi puwedeng mapalampas natin ang pagtikim ng masasarap na putaheng ipinagmamalaki ng ating dinarayo.

Bawat lugar, may mga ipinagmamalaking putahe. At sa sasarap nga naman ng mga ito kahit sa paningin pa lamang ay hindi na natin mahindian. Talagang katatakaman natin.

At dahil din sa kahiligan nating kumain, hindi natin naiiwasang makaranas ng food poisoning. Alam naman natin kung gaano ka-terrible ang ganitong pakiramdam. Bukod sa mahirap ang magkasakit sa biyahe, hindi pa tayo mag-e-enjoy sa lugar na ating pinuntahan.

Kung minsan ang food poisoning ay nagdudulot ng malubhang karamdaman at kamatayan. Inaakala ng ibang tao na nakukuha lamang ang pagkalason sa pagkain sa mga restawran, cafés at mga fast food outlet, ngunit lingid sa kanila ayon sa pag-aaral ng  Food Standards Agency  sa UK, humigit-kumulang 500,000 na ang nai-report na kaso na nakaranas ng food poisoning kada taon. Kadalasan pa umano, ang mga inihahandang pagkain sa tahanan ang mas malaki ang tiyansa ng food poison.

Ngunit sabihin mang malaki ang tiyansa o mas malaki ang porsiyento nang nakararanas ng food poisoning sa tahanan, mahalaga pa ring nakapag-iingat tayo lalo na kapag bumibiyahe.

Hindi nga naman tayo nakatitiyak kung healhty at malinis ang ating kinakain.

Kaya naman upang makaiwas sa food poisoning lalo na ‘yung nasa ibang lugar at nagsasaya,  narito ang ilang mga paalala na dapat na isaalang-alang:

PANATILIHING MALINIS ANG MGA KAMAY

Para makaiwas sa kahit na anong sakit. Napakahalagang napananatili nating malinis ang ating mga kamay sa kahit na anong oras.

Sa paghuhugas ay gumamit ng sabon at maligamgam na tubig saka patuyuin itong mabuti.

Kapag nasa labas naman o nagbibiyahe, mainam naman ang pagdadala ng wet wipes o hand sanitizer para masigurong malinis ang mga kamay.

Importanteng nasisiguro nating malinis ang  ating mga kamay—sa bahay man tayo  o habang bumibiyahe upang masiguro ang ating kaligtasan.

TIYAKIN ANG KALINISAN NG LUGAR NA KAKAINAN

Bago rin magdesisyong kumain sa isang lugar, siguraduhin munang malinis ito.

Maraming lugar o kainan ang hindi natin na­lalaman kung malinis ang ginagamit nilang kasangkapan at sangkap sa kanilang niluluto. Kaysa nga naman ang mamroblema, mainam na ang maging maingat.

Kung malinis nga naman ang lugar na ating kakainan, tiyak ding malinis ang pagkaing kanilang inihahanda.

Kung nasa ibang lugar tayo, napakahalaga ang pag-iingat sa ating sarili nang hindi masira ang ating pagbabakasyunan.

SIGURADUHING LUTONG-LUTO ANG KAKAINING PAGKAIN

May mga fast food o streed food na madalian lamang ang pagluluto ng kanilang pagkain. Ang hindi gaanong nalulutong pagkain ay isa sa nagiging dahilan ng food poisoning. Kaya naman, siguraduhing nalutong mabuti ang kahihiligang pagkain.

Iwasan din ang pagkain ng mga hindi lutong pagkain.  Para fresh at bacteria free ang kahihi­ligang pagkain, piliin ang mga maiinit na pagkain.

MAGDALA NG BOTTLED WATER

Huwag ding kaliligtaan ang pagdadala ng bottled water sa tuwing magta-travel. May mga lugar na tap water lang ang inihahanda o iniinom. Kung sakali namang bibili ng tubig, mas safe ang bottled water.

MAGING MAPILI SA STREET FOOD NA KAHIHILIGAN

Hindi rin natin maiiwasan ang mapakain ng street food. Kung sakali namang kakain ng street food, maging mapili sa kakainin.

Piliin ang street food na nalutong mabuti. Iwasan din ang pagkain ng mga pagkaing lantad sa dumi o alikabok at sikat ng araw.

ALAMIN ANG MGA KINAKAINAN NG LOCALS

Isa rin sa magandang gawin ang pag-alam ng mga kinakainan ng locals. Kaya naman bago magtungo sa lugar ay mag-research na muna ng mga kainang masasarap kainan na tinatangkilik hindi lamang ng mga biyahero at biyahera kundi maging ng mga local.

Importante ang kaligtasan sa kahit na anong panahon at pagkakataon. Kaya naman, kung magta-travel tayo,  isaisip natin ang ating kaligtasan. Ma­ging maingat tayo nang ma-enjoy natin ang ating pamamasyal. Photo credits: powerofpositivity.com and goicona.com

Comments are closed.