PAG-LOCKDOWN SA DUMAGUETE DISTRICT JAIL IIMBESTIGAHAN

DUMAGUETE – HANGGANG sa kasalukuyan ay nananatili pa ring ipinatutupad ang 24 oras na lockdown sa Dumaguete District Jail simula pa noong nakalipas na buwan ng Mayo nitong taon.

Kaya naman nanana­wagan ang isang grupo sa Bureau of Jail Ma­nagement and Penology (BJMP) na alisin na agad ang umano’y hindi makatwirang paghihigpit kabilang ang 24-hour lockdown na ipinatutupad sa political prisoners at iba pang inmates sa Duma­guete City District Jail–Male Dormitory.

Ayon sa grupong Kapatid, isang support group para sa political prisoners, nalalagay sa kompromiso ang kapakanan ng mga inmate maging ang kanilang karapatan na kausapin ang kanilang pamilya at abogado.

Lumiham na ang grupo kay BJMP chief Ruel Rivera upang ipabatid ang nakababahala umanong sitwasyon sa Dumaguete district jail mula pa nitong Mayo.

Kabilang dito ang 24-hour lockdown kung saan ang persons deprived of li­berty (PDL) ay nasa mga siksikan na selda buong araw na walang pagkakataong makakilos at dinadala na lamang sa kanila ang kanilang pagkain.

Inireklamo din ng grupong Kapatid ang limitadong komunikasyon. Ang mga PDL ay pinapayagan lamang ng 10 minutong tawag sa telepono kada dalawang linggo sa pamamagitan ng call center system.

Nababalewala rin anila ang kalusugan ng detainees dahil pinapayagan lamang sila na magpaaraw kada dalawang linggo at madalas pa na hindi natutuloy ang pagpapaaraw kapag kulang sa jail officer.

Ayon sa grupong Kapatid, nagsimula uma­no ang mga hindi makatwirang mga hakbang mula nang maupo bilang warden si Attorney Crisyrel Awe para umano masugpo ang pagpasok ng ilegal na droga sa loob ng kanilang pasilidad.

Gayunman, iginiit ng grupo na wala namang rekord ang political pri­soners na nasasangkot sa illegal drug activity.

Hinikayat ng grupong Kapatid ang BJMP na imbestigahan ang ipinatutupad na lockdown at ibalik muli ang pagkakaroon ng regular visitation at communication sa mga detainee.

EVELYN GARCIA