(‘Pag may COVID, sibak sa trabaho) MGA PINOY SA HK, ILIGTAS

UMAPELA  si Agusan Del Norte Rep. Lawrence Fortun sa pamahalaan na magsagawa agad ng “mercy mission” para sa mga kababayan partikular ang mga OFW sa Hong Kong na apektado ng pagtaas ng kaso ng Covid-19.

Nababahala ang kongresista sa mga napaulat na pag-abandona ng mga employer sa mga OFW na nagkakasakit at hindi nabibigyan ng atensiyong medikal dahil sa punuan din ang mga ospital doon bunsod ng biglang pagtaas ng mga bilang ng mga nagkakasakit.

Hiling ni Fortun sa Department of Health (DOH), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE), na magpadala agad ng isa o dalawang hospital ships sa Hong Kong para tugunan ang pangangailangang medikal ng mga Pilipino.

“Sending these ships to Hong Kong might be the best option available to our government because the HK hospitals are swamped with COVID cases and our OFWs may no longer have immediate access to urgent medical intervention at this time when its healthcare system is already overwhelmed,” ani Fortun.

Habang inihahanda naman ang mga ipapadalang hospital ships para sa mercy mission, pinagde-deploy muna ng kongresista ang pamahalaan ng rapid response team sa HK na binubuo ng doctors, nurses, medical technologists, social workers, psychiatrists, at iba pang health care workers.

Ito ang magsisilbing advance party para sa kinakailangang medical care habang hinihintay ang mga hospital ships.

Umaapela rin ang mambabatas sa mga malalaking kompanya sa bansa na may international cruise ships na ipahiram sa gobyerno ang kanilang mga barko para makatulong sa gagawing medical mission.

Dahil pababa na ang kaso sa Pilipinas, naniniwala ang mambabatas na makapagbibigay na tayo ng sapat na atensiyon sa paghihirap ngayon ng mga nagkakasakit na OFWs.
Iniulat na tinatanggal sa trabaho ang mga Filipino domestic helper sa Hong Kong kapag nagpositibo sila sa COVID-19.
Ayon kay Dolores Pelaez ng United Filipinos Migrante-Hong Kong, mainam sana kung may itinakdang isolation facility sa Hong Kong na nakalaan lamang para sa OFWs.

Nakakalungkot aniya dahil wala namang bahay ang mga OFW at nakatira sa employer. “Talagang ang nangyayari ‘pag nagpositive, nate-terminate,” pahayag ni Pelaez sa panayam sa TeleRadyo.

Nauna nang ibinalita na nasagip ng pamahalaan ang 10 OFW na tinanggal sa trabaho matapos nilang magpositibo sa COVID-19. CONDE BATAC