PAG-PARDON SA 220 PINOY PINURI

PINURI ni Senadora Loren Legarda ang pagkaka-pardon sa 220 Pilipinong nakapiit sa United Arab Emirates ni Pangulong Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan noong nakaraang buwan.

Binigyang-diin ni Legarda na habang ang pardon ay isang mahalagang hakbang pasulong, ito ay kailangang samahan ng mga komprehensibong hakbang upang matulungan ang mga na-repatriate na muling makabalik sa lipunan at muling buuin ang kanilang mga buhay.

“Habang buong-puso naming tinatanggap ang pagpapalaya at nalalapit na repatriation ng 220 na Pilipino, kaila­ngan din nating magtuon ng pansin sa pagtiyak na mabibigyan sila ng kinakailangang suporta upang matulungan silang makabawi at muling makapag-ugnay sa lipunan,” anang senadora.

Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan at mga pagsasanay sa kasanayan upang matulungang makabangon muli ang mga dating Persons Deprived of Liberty (PDL).

“May mga programa ang pamahalaan tulad ng DOLE Kabuhayan, at may trainings din ang TESDA para naman sa mga nagnanais mag-iba ng linya ng trabaho,” dagdag ng senadora.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang pardon ay naganap kasabay ng ika-53 National Day ng UAE. Dahilan ng UAE ay ang malalim na relasyon nito sa Pilipinas, na sinundan ang pag-pardon sa 143 Pilipino noon namang Eid’l Adha.

Kasalukuyang inaayos ng DFA at Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi ang kaukulang mga papeles para sa agarang pagpapauwi sa mga na-pardon.

Dapat ding tulungan sa pag-aaral ang mga anak ng mga na-pardon na Pilipino, ani Legarda.

“Ang pagkakaroon ng scholarship programs para sa mga anak ng mga walang trabaho at napardonang Pilipino ay isang kongkretong hakbang patungo sa reporma, at makatutulong ito na  maibsan ang kanilang pinansyal na pasanin,” giit ni Legarda.

Isinulong ni Legarda ang pagsasabatas sa OFW Remittance Act at ang naamyendang Social Security Act, na saklaw na ang mga OFW sa mga benepisyo.

Itinulak din nito ang pagkakapasa ng Overseas Voting Act of 2003, pati na ang Magna Carta for Seafarers law.

VICKY CERVALES