(‘Pag patuloy na kumalat ang ASF) RABBIT MEAT PALIT SA PORK

Agriculture Secretary William Dar

TINITINGNAN ng Department of Agriculture (DA) ang mga produkto na maaaring ipalit sa karne ng baboy sakaling patuloy na kumalat ang African swine fever (ASF) virus sa bansa.

Ayon kay DA Secretary William Dar, isa sa kanilang kinokonsidera ang karne ng rabbit.

“Those are all options. We have talked with them na we are supportive of their industry. Kasi ang growth cycle noon ay mas lesser than other potential substitute. It will be cheaper. We are serious. All options are on the table. But poultry is number 1,”paliwanag niya.

Ani Dar, nakakain na siya ng karne ng rabbit at parang manok din, aniya, ito.

Ginawa ni Dar ang pahayag kasunod ng babala ng Philippine Veterinary Drug Association na tinatayang may 1.1 million metric tons (MT) ng dressed pork ang mawawala kapag nagpatuloy ang pagkalat ng ASF virus at walang ginawa para mapigilan ito.

Sa kanyang pagsasalita sa International Farmers Summit sa SMX Convention Center, sinabi ni PVDA president Dr. Eugene Mende na ang loss ay base sa pagtaya na isinagawa ng international epidemiologists at local experts.

Aniya, hanggang noong Enero 13, 2020, nasa 178,159 hogs o 1.7% ng  total hog population sa bansa ang pinatay. Nasa 29,709 lamang sa mga ito ang may sakit.

“Because of that scenario na walang bakuna sa ASF at talagang ganito karami ang pinapatay ng ASF sa backyard, talagang with this number of potential na naaapektuhan ng ASF, ganoon ang kakulangan ng karne natin sa Filipinas kung hindi natin aagapan,” ani Mende.

Kapag patuloy na kumalat ang sakit at dahil maraming hog raisers ang umiiwas na mag-alaga ng baboy ngayon, sinabi ni Mende na ang po­sibleng worst-case scenario ay mawawalan ang bansa ng 7.85 million na baboy o 62%  ng  pig population ng bansa.

“’Pag wala tayong gagawing kontrol, 80% ng backyard tatamaan. Eh 65% ng population natin ay backyard,” paliwanag ni Mende.

Katumbas, aniya, ito ng 1.1 million MT ng dressed pork.