(Pag- unawa ni Leonen sa batas kinuwestiyon) MARCOS KINATIGAN NG OSG, COMELEC

BONGBONG MARCOS-5

INIHAYAG ng  kampo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isang “malinaw na panalo” ang naging desisyon ng Office of the Solicitor General (OSG) at ng Commission on Elections (Comelec) sa isinampa sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na kanilang protesta sa kuwestiyonableng panalo ni Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo noong 2016 elections.

Ayon sa abogado ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, nakasisiguro na sila ng panalo sa kanilang petisyon dahil sa desisyon ng OSG at Comelec na igiit ang eksklusibong papel ng Korte Suprema.

Binigyang diin ng spokesperson ni Marcos na ang magkakahiwalay na desisyon ay nagpapatunay na kuwestiyonable ang hurisdiksyon ng PET.

“Comelec and the Solicitor General rebuking the justice in charge feigned ignorance on the matter of the PET jurisdiction.” Ang pinatu-tungkulan ni Rodriguez ay si Associate Justice Marvic Leonen, ang ponente ng electoral protest ni  Marcos noong Oktubre 2019.

Pinagkomento ni Leonen noong Setyembre ang OSG at Comelec tungkol sa 3rd cause of action ni Marcos, na humihiling sa PET na ibasura ang mga resulta ng botohan sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao dahil sa malawakang pandaraya.

Inatasan din ni Leonen ang Comelec na magkomento kung may awtoridad o hurisdiksyon ang PET na magpasya sa protesta ni Marcos na hindi nilalabag ang awtoridad ng poll body sa isyu.

Sa naturang desisyon, sumang-ayon kay Leonen ang karamihan ng mga miyembro ng PET kahit ang lahat ng mga protesta sa mga nanalo sa halalan ng pagkapangulo at pagka-bise-presidente ay nasa  ilalim ng kapangyarihan ng PET.

Kinatigan ng OSG ang protesta ni Marcos gamit ang 1987 Constitution.

Sa 38 pahinang komentaryo ni Solicitor General na si Jose Calida, binanggit niya ang Article VII,  Section 4 ng Saligang Batas, sa pagpapaalala at pagbibigay diin sa PET, partikular kay Leonen, na “Ang  Korte Suprema, na tumatayong en banc, ay nag-iisang hukuman ng lahat ng mga labang nauugnay sa  halalan, resulta nito, at mga kwalipikasyon ng Pangulo o Bise-Presidente at mga patakaran para rito.”

Sinabi rin ni Calida kay Leonen na “Ang Presidential Electoral Tribunal ay may kapangyarihan na  ideklara ang Annulment of Elections nang hindi lumalabag sa awtoridad ng Commission on Elections  (Comelec)”.

Binigyang diin din ng Comelec na magkatulad ang mga argumento at utos ng Saligang Batas,  Supreme Court hinggil sa pagsuporta sa protesta ni Marcos.

Ipinaalala ng Comelec kay Leonen ang patakaran ng PET sa pagsasagawa ng hurisdiksyon at  awtoridad na inilabas noong 2010.

Binanggit ng poll body ang mga paliwanag sa mga patakaran ng PET na 7, 8 at 13.

Ang Rule 13 ay tungkol sa tagubilin ng Saligang Batas na ang PET ang nag-iisang may  hurisdiksyon at awtoridad na magdesisyon sa mga reklamo ng pandaraya sa eleksiyon sa pagkapangulo at  pagka-ikalawang pangulo.

Ani Rodriguez, alam na alam ni Marcos ang mga alituntunin ng electoral protest, kaya itinuloy nito ang protesta kahit alam niyang si Leonen ay itinalaga sa posisyon ni dating Pangulong Benigno Simeon  Cojuangco Aquino, III at pinaghihinalaang bias laban sa kanyang protesta.

May sapat na oras umano si Leonen para basahin, suriin at pag-aralan ang PET Rule, upang hindi  na mag-aksaya ng 11 buwan para kwestyunin ang OSG at ang Comelec tungkol sa sole authority and  jurisdiction ng PET tungkol dito.

Matatandaang dumaan din sa PET ang electoral protest ng namayapang si Senador Miriam Defensor Santiago laban kay Pres. Fidel V. Ramos noong 1992.

Maging ang mga reklamo ni dating presidential candidates Loren Legarda at yumaong Fernando  Poe Jr. laban sa kani-kanilang kalaban ay binusisi at pinagpasiyahan din ng PET.

Sa nasabing mga protesta, hindi hiningi ng mga mahistradong humahawak sa mga kaso ang  opinion ng Comelec at OSG, upang linawin kung mayroong awtoridad ang PET na magpasya.

Tumagal ng 11 buwan bago naisip ni Leonen na kunin ang opinyon ng OSG at Comelec tungkol sa  papel na ginagampanan ng PET laban sa eletion protest ni Marcos, na inihain noon pang June 2016.

Ani Rodriguez, tama ang hinala ni Marcos na pinatatagal lamang ni Leonen ang resolusyon sa  kanyang kaso.

Dahil umano sa ginawa ni Leonen ay nagiging kwestyonable ngayon ang integridad ng Tribunal.

Binigyang diin niya na kung may kahit katiting na respeto si Leonen sa Korte Suprema, dapat ay  kusang-loob na siyang nag-inhibit sa kaso ni Marcos upang hindi mapahiya ang mataas hukuman at ang  14 pang mahistrado.

Giit pa ni Rodriguez, sadya man o hindi ang pagpapakita ng kamangmangan ni Leonen, patunay  lamang ito na hindi siya karapat-dapat sa kanyang posisyon, na laan lamang sa pinakamahuhusay na  miyembro ng legal profession. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.