PAG-UNLAD MATAPOS ANG MARAWI SIEGE

NAGING sentro ng mapaminsalang puwersa ng terorismo ang Marawi City noong 2017.

Hindi maitatanggi na ang pag-atake ng mga terorista ay nagdulot hindi lamang ng pagkasira ng impraestruktura kundi pati na rin ng pangmatagalang epekto sa mga mamamayan nito.

Ngunit, sa gitna ng pagkalugmok, hinaharap ng Marawi ang hamon ng pagbangon o pagtindig muli.

Ang pinakabagong hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipinakilala sa Administrative Order (AO) 14 ay naglalayong maalis ang malalang balakid sa proseso ng rehabilitasyon.

Sa ilalim ng AO, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang masusing koordinasyon ng mga ahensyang sangkot upang mapabilis ang mga proyekto.

Isa sa pangunahing layunin ng AO 14 ay ang pagsusuri sa iba’t ibang ahensyang pampamahalaan at pagtukoy ng mga puwang na maaaring maging sanhi ng pagkaantala sa rehabilitasyon.

Sinasabing ang hakbang na ito ay nagpapakita ng malinaw na layunin na punan ang kakulangan at mapabilis ang proseso ng pagbangon muli ng Marawi.

Batay sa kautusan ng Pangulo, itinakda na ang Task Force Bangon Marawi (TFBM) ay dapat nang isara ang operasyon nitong ika-31 ng Disyembre 2023.

Ituturing namang “functus officio” ang task force sa ika-31 ng Marso 2024.

Ang pagbuwag sa TFBM ay isang bahagi ng mas malawakang plano ng pamahalaan na bigyan ng pormal na pagtatapos ang yugtong ito ng rehabilitasyon.

Ang AO 14 ay nagbibigay daan sa mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensyang sangkot sa rehabilitasyon, kabilang ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Trade and Industry (DTI).

Kung hindi ako nagkakamali, bawat ahensya ay may nakaatang na mga responsibilidad upang masiguro ang matagumpay na rehabilitasyon.

Sa kabila ng mga pagsubok, may bukas na pinto ng pag-asa para sa Marawi.

Ang pagsasanib-puwersa ng iba’t ibang ahensya gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga mamamayan ay nagsisilbing pundasyon sa landas tungo sa pag-angat ng lungsod.

Ang pagtutulungan at kooperasyon ng lahat ay mahalaga upang masiguro ang tagumpay ng rehabilitasyon at ang pagbabalik ng sigla sa Marawi.

Sa paglipas ng panahon, umaasa tayo na ang mga hakbang na ito ay magbubunga ng positibong pag-unlad para sa siyudad.

At sa pangyayaring ito at sa tamang pagtutok, maaaring maging inspirasyon ang pagbangon ng Marawi hindi lamang para sa lungsod kundi pati na rin sa buong bansa na nagmumula sa hamon at nagtataglay ng kakayahan na harapin ang anumang pagsubok.