Ibinida ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa international community ang mga nakamit na pagbabago ng Pilipinas sa larangan ng siyensya, teknolohiya at inobasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sa kaniyang pagharap sa ika-149 Inter-Parliamentary Union (IPU) Assembly sa Geneva, Switzerland nitong Lunes (oras sa Switzerland) inihayag ni Speaker Romualdez ang pagtutulungan ng Pangulo at Kongreso sa pagsusulong ng siyensya, teknolohiya at inobasyon para sa pagpapa-unlad ng bansa.
Bilang bahagi ng legislative priority ni Pangulong Marcos, binuo ang National Innovation Council para masiguro na ang inobasyon ay nakapaloob sa mga prayoridad na hakbangin ng bansa para sa pagkamit ng sosyo-ekonomikong pag-unlad.
Ang konseho na pinamumunuan ng Pangulo ay mayroong susunding National Innovation Agenda and Strategy Document.
Nilalaman nito ang mga hangarin para sa pangmatagalang mithiin ng Pilipinas pagdating sa inobasyon at ang road map ng mga istratehiya sa kung paano pagbutihin ang innovation governance, pagpapalalim at pagpapabilis sa inobasyon at pagsasama ng public-private partnerships para masigurong walang Pilipino ang maiiwan.
Pagbabahagi pa ng lider ng Kamara na nanguna sa delegasyon ng Pilipinas sa IPU Assembly, nakasuporta ang Kongreso ng Pilipinas sa 2030 Agenda for Sustainable Development, at nakapagpasa ng mga batas para pag-ibayuhin ang innovation governance sa Pilipinas
Kabilang dito ang Republic Act No. 11293, o “Philippine Innovation Act;” Republic Act No. 11927, o “Philippine Digital Workforce Competitiveness Act;” at Republic Act No. 10055, o “Technology Transfer Act of 2009.”
Sabi naman ni Speaker Romualdez ang mga inisyatibang ipinatupad ay nagbunga ng mga resulta para sa bansa.
Mula pang-59 na pwesto noong 2023 ay umakyat ang Pilipinas sa ika-56 ngayong taon sa 2024 Global Innovation Index ng World Property Organization, na sumusukat sa innovation-based performance ng 130 higit na mga ekonomiya
Kinilala rin sa naturang ulat ang Pilipinas bilang isa sa top innovation performers ng dekada na nakamit ang pinakamataas nitong ranggo na pang-50 noong 2020 sa kabila ng pandemiya.
Ipinaliwanag din niya ang naturang mga batas na pinayayabong ang siyensya teknolohiya at inobasyon.
Tutugunan ng Digital Workforce Competitiveness Act ang kakulangan sa digital technology at kasanayan sa pamamagitan ng mga programa na magbibigay ng dagdag kaalaman sa mga Pilipino para makipag kumpitensya sa global labor market.
Titiyakin nito ang suporta sa digital workforce sa pamamagitan ng mga co-working facilities at pautang na may concessional terms.
Magpapatupad din ng mga training, skills development at certification program para sa digital career sa ilalim ng public-private partnerships.
Layon naman aniya ng Technology Transfer Act na isulong ang pagkakaroon ng paglilipat at komersyalisasyon intellectual property, technology at knowledge na resulta ng mga pagsasaliksik at development programs na pinondohan ng pamahalaan para sa benepisyo ng ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng 2023-2028 Philippine Development Plan, binigyang halaga ng pamahalaan ang innovation sa pagkamit ng mas malalim na pagbabago sa sosyo-ekonomikong pagbabago.
Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang PAGTANAW 2050, ang unang DOST-funded inter-disciplinal at trans-disciplinal project para sa isang nakatuong Science Technology Innovation Foresight and Strategic Plan.
Koleksyon ito ng mga nais makamit sa larangan ng science, technology at innovation sa pambansa at pandaigdigang aspeto, mga hangaring pang lipunan, trans-disciplinary operation areas, at ang mga kasalukuyan at umuusbong na mga teknolohiya na mahalaga sa pagunlad ng bansa at naka-angkla sa mga pagnanais ng mga Pilipino.
Mahalaga aniya ang science, technology at innovation sa pagtugon sa mga isyu na hinaharap ng mga maunlan at papaunlad pa lang na mga bansa.
Nanawagan ang Speaker ng pangdaigdigang kooperasyon para makamit ang mga magkakatulad na mithiin ng iba’t ibang bansa.