ALAM n’yo ba na hindi lang Facebook profile ang dapat i-update? Syempre kailangan din nating mag-update ng membership record sa PhilHealth para iwas-aberya sakaling gagamitin mo ang PhilHealth.
Ito kasi ay isa sa karaniwang nakakalimutang gawin ng miyembro ng PhilHealth. Matapos magparehistro at magkaroon ng PhilHealth Identification Number, kadalasan ay hindi na nababalikan ng miyembro ang inisyal na impormasyong inilagay niya sa kanyang membership record. At minsan kung kailan gagamitin ang benepisyo ay saka magkukumahog na mag-update kaya naman nado-doble ang stress na inaabot ng miyembro. Kaya naman paalala, para hassle-free ang pag-avail ng benepisyo sakaling kailanganin ito, siguruhing updated and inyong PhilHealth membership records.
Ano-ano nga ba ang mga datos na kailangang i-update sa PhilHealth? Basta mayroong impormasyong dapat itama, baguhin o kaya naman ay magdagdag ng dependent, mag-amend kaagad!
Halimbawa kung ikaw ay nagbago ng civil status, kung ikaw ay ikinasal o kaya naman ay na-annulled ang kasal o kaya ay nabalo. Kung nagkaroon ng bagong anak, legal, illegitimate, adopted, foster, puede ‘yan sa PhilHealth.
Sa ngayon, mas pinadali na ng PhilHealth ang proseso para maideklarang dependent ang mga anak dahil pagkasilang pa lamang nila mula sa accredited na pasilidad ng PhilHealth, kailangan lamang mag fill out ng PhilHealth Members Registration Form ang miyembro at ibigay lamang ito sa nasabing pasilidad upang maisama sa Claim documents na ipapasa sa PhilHealth. Makaka-avail na rin agad ng Enhanced Newborn Care Package si baby!
Kung may babaguhin sa inyong pangalan, address at contact detail dapat ipagbigay-alam din sa PhilHealth. At isa pa sa aming pakiusap, sakaling namatay ang miyembro, dapat na i-report ito ng pamilya sa kahit saang tanggapan ng PhilHealth upang mai-tag ito sa database.
Madali lamang ang pag-update ng record! Isumite sa alinmang tanggapan ng PhilHealth ang maayos na pinunan na PMRF o PhilHealth Member Registration Form kasama ang mga kinakailangang dokumento o maaari ring i-email ang mga ito sa [email protected].
Maaaring makuha ang PMRF sa tanggapan ng PhilHealth o i-download ito mula sa aming website. Lagyan ng check ang updating /amendment box na makikita sa kanang itaas ng form at ilakip ang kopya dokumento. Halimbawa kung magpapadagdag ng dependent, ilakip ang kopya ng marriage contract (para sa asawang walang trabaho at hindi miyembro); birth certificate (para sa anak na ang edad ay mababa sa 21 taong gulang, walang trabaho at asawa), court decree of adoption (para sa legally adopted children). Para sa pagpapa-update ng ng iba pang detalye, punan ang Part V ng PMRF.
Paano naman kung inactive member ang asawa? Walang problema! Maaari syang magpadeklarang dependent. Magsumite lamang ng deactivation letter, PMRF na pinunan ng asawang magdedeklara at kopya ng marriage certificate.
At kung kayo naman ay self-paying member, dapat mag-update ng monthly income para makapagbayad ng premium gamit ang Online Payment facility ng PhilHealth Member Portal. Ang idineklarang monthly income ang magiging basehan kung magkano ang premium contribution na babayaran kada buwan.
Matapos ma-update ang iyong record, matatanggap ang updated na Member Data Record o MDR. Tandaan, mag-update ng PhilHealth records para mas maayos at mapabilis ang paggamit ng iyong benepisyo mula sa PhilHealth!.
Kung may tanong tungkol sa PhilHealth, magpadala ng text message sa 0921-6300-009 upang makatanggap ng callback mula sa aming Action Center. I-email ang inyong suhestiyon at kumento sa [email protected]. Sundan din ang aming posts sa aming official Facebook page na “@philhealth.gov.ph” at sa official Twitter account na @teamphilhealth.
BENEPISYO MO, ALAMIN MO!
Covered ng PhilHealth ang Stroke Hemorrhagic (o stroke na may pagdurugo) na nagkakahalaga ng P38,000 sa lahat ng level 1 hanggang 3 na ospital.