PAG-USAD MULA SA MGA NEGATIBONG EPEKTO NG PANDEMYANG COVID-19

MAAARING bumabalik na sa normal ang takbo ng ating buhay mula nang pumasok sa eksena ang pandemyang COVID-19, tatlong taon na ang nakararaan, subalit tanggapin man natin o hindi, hindi na tayo babalik sa kung paano tayo at ang mundo bago nagkaroon ng pandemya.

Isa sa mga mahahalagang bagay na iminulat sa atin ng pandemya ay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos at episyenteng healthcare system sa isang bansa. Walang nag-akala na sa ating buhay ay makararanas tayo ng matinding krisis pangkalusugan kaya kinulang din tayo sa paghahanda at pagtutok sa ating healthcare system.

Kung ating babalikan, sinabayan pa ng samu’t saring mga isyu na ibinato laban sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang global na krisis na ito. Umabot sa puntong maraming ospital ang kinailangang magsara at pansamantalang huminto sa operasyon dahil sa isyu ng pondo. Naging napakatinding hamon ito para sa pamahalaan, partikular na sa mga miyembro ng industriya ng healthcare.

Kaugnay nito, hindi ko maiwasang isipin kung nasaan na ba tayo ngayon pagdating sa healthcare system ng bansa? Ano na ba ang mga ginawang pagtatama at pagbabago? Kapag may dumating na panibagong pandemya, alam na ba natin ang gagawin o mauulit lamang ang mga nangyari noong kasagsagan ng krisis? Isa lang ang sigurado, may pandemya man o wala, kailangan nating maging handa.

Maraming bagay rin na nagsimula noong pandemya ang patuloy nating nararanasan sa kabila ng unti-unting pagbabalik sa normal ng ating sitwasyon. Isa rito ang digitalisasyon. Bukod sa kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na healthcare system sa bansa, isa rin ang digitalisasyon sa napatunayang may mahalagang papel na ginampanan sa kung paano tayo nakarating sa bagong normal na paraan ng pamumuhay.

Napakalaki ng tulong ng digitalisasyon sa industriya ng medisina dahil sa pagpapakilala ng konsepto ng telemedicine kung saan maaaring kumonsulta sa mga doktor ang mga pasyente nang hindi na kinakailangang makipagkita ng personal upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Sa ganitong pamamaraan ay nalilimitahan ang posibilidad na mahawa sa virus.

Ngayong medyo balik na sa normal ang mga bagay-bagay, nananatili pa ring mahalaga ang digitalisasyon. Tiyak na batid ito ng mga miyembro ng industriya kaya naman gamit ang modernong teknolohiya, patuloy na pinaiigting ng Metro Pacific Health, ang pinakamalaking grupo ng mga pribadong ospital sa bansa na nasa ilalim ng pamumuno ng negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan (MVP), ang hospital information system nito.

Inilunsad din ng grupo ang mWell, ang kauna-unahang healthcare app sa bansa. Sa pamamagitan ng app na ito, maaaring magtakda ng konsultasyon sa pamamagitan ng video call anumang oras ang mga pasyente. Ang bayad para sa video call ay online din gagawin. Kung kailangan ng gamot, ito ay ihahatid na lamang sa pasyente. Mayroon ding digital medical ID ang app kung saan maaaring ma-access ng pasyente ang kanyang record.

Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Upang patuloy na maging maayos ang sistema sa bansa, kailangan pang maglunsad ng mas maraming inisyatiba at programang makatutulong sa pagpapalakas at pagpapatibay ng healthcare system. Tiyak na kaya naman ito gawin ng pamahalaan ngunit laging mas malaking tulong at mas makabuluhan ang resulta kapag nagtutulungan at nagkakaisa ang iba’t ibang sektor.

Nawa’y kinapulutan din ng aral ng Department of Health (DOH) at ng lahat ng miyembro ng industriya ng healthcare ang nangyaring pandemya. Ngayong papalapit na tayo sa puntong maaari nang ibaba sa endemya ang COVID-19, huwag sana tayo maging kampante bagkus ay ipagpatuloy natin ang pagpapabuti at pagpapalakas ng healthcare system ng Pilipinas dahil ang totoo, nananatili pa rin ang virus na ito sa mundo.

Sa katunayan, ayon sa OCTA Research, tumaas nang bahagya ang positivity rate sa Metro Manila at sa 14 na iba pang probinsya batay sa datos nila mula ika-25 ng Marso hanggang ika-1 ng Abril. Nilinaw naman nila na hindi dapat mangamba dahil sa kabila ng pagtaas na ito, nananatili pa ring mas mbaba ito kumpara sa itinakdang antas ng World Health Organization (WHO) sa pag-kontrol sa coronavirus na nasa 5%.

Mula sa 3.2%, tumaas ang positivity rate sa 4.4% sa Metro Manila ayon kay OCTA Fellow Guido David, habang ang antas naman ng buong bansa ay nananatili sa 4.9%. Kabilang sa mga probinsyang natukoy na may pagtaas ng bilang ay ang Batangas, Benguet, Bulacan, Camarines Sur, Cavite, Cebu, Davao del Sur, Iloilo, Isabela, Laguna, Negros Occidental, Pampanga, Pangasinan, at Zamboanga del Sur.

Ang bahagyang pagtaas ng positivity rate ay patunay na hindi tayo dapat maging kampante. Ngayong Semana Santa, tiyak marami ang may planong bumiyahe at magbakasyon dahil mahaba-haba ang mga araw na walang pasok sa paaralan at sa trabaho. Nawa’y nasaan man tayo at anuman ang ating ginagawa ay ugaliin pa rin ang pagsunod sa mga health at safety protocol upang makaiwas sa virus. Bilang mamamayan, ito ang tanging tulong na ating maibibigay sa pamahalaan upang tuluyang magapi ang pandemyang COVID-19.