MAYNILA – TINUTUTUKAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kaso ni Jeanelyn Villavende , ang overseas Filipino worker na pinatay ng kanyang amo sa Kuwait.
Inamin ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa January 31, 2020 ay tutungo siya sa Kuwait upang alamin ang development sa kaso ni Villavende.
Gayundin ang paglagda sa kontrata sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng standard employment contract na nakalagay ang mga probisyon para sa seguridad ng mga OFW sa Kuwait.
Magtutungo aniya siya sa Kuwait makaraang anyayahan siya ng pamahalaan doon pangunahin na ang kanilang Secretary of Justice, Secretary of Interior at Secretary of Foreign Affairs.
Itinakda aniya ang kanyang pakikipagpulong sa mga nasabing opisyal ng Kuwait sa Pebrero 2-3, 2020.
Sinabi pa ni Bello na bagamat mayroon ng patunay na ipinadala ang nasabing bansa sa pagkakulong ng mga suspek, sa kanyang pagtungo sa Kuwait ay titiyakin niyang nakakulong ang dalawang suspek na pumatay kay Villavende. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.