PINAWI ni House Senior Deputy Minority Leader at partylist Buhay Rep. Lito Atienza ang pangamba hinggil sa pangungutang sa labas ng bansa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para pondohan ang ‘Build Build Build’ program nito.
Giit ng senior leader ng minority bloc sa Kamara, wala siyang nakikitang indikasyon na malalagay ang Filipinas sa sitwasyong magkakaroon ito ng malaking pagkakautang sa ilang dayuhang bansa o foreign institutions, na sa kalaunan ay magkakaroon ng problema para ito’y mabayaran.
“We have no problem with borrowing money, regardless whether it is from Japan, China or South Korea, as long as the government spends the funds on sensible and beneficial projects,” ang sabi ni Atienza.
Ginawa ng partylist lawmaker ang pahayag bilang tugon sa babala ni Vice President Leni Robredo laban sa wala umanong patumanggang pangungutang ng administrasyong Duterte, lalo na sa China.
Ayon kay Atienza, malinaw naman ang direksiyong nais tumbukin nang ilatag ni Pangulong Duterte ang kanyang tinaguriang ‘Dutertenomics Program’ na nagkakahalaga ng P8 trillion kung saan nakapaloob ang ‘Build Build Build’ projects nito.
Kabilang sa mga proyektong ipatutupad ay ang konstruksiyon para sa Phase 1 ng Metro Manila Subway Project, na popondohan sa pamamagitan ng paunang ¥104.53 o P51.3 billion concessional loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Ang naturang loan package ay mayroon lamang annual interest rate na one-tenth of one percent, na babayaran sa loob ng 40 taon. Ani Atienza, hindi naman basta-basta papasok sa foreign loan agreement para pondohan ang isang partikular na proyekto ang Duterte administration kung mataas ang interes nito.
Sinabi pa niya na suportado niya ang nasabing kauna-unahang subway project sa Metro Manila, na babagtas mula Mindanao Ave. sa Quezon City papuntang FTI, Taguig City at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at itinuturing na ‘biggest single project’ sa ilalim ng P8-trillion ‘Dutertenomics’ program.
“Passenger trains are absolutely imperative to cope with the growing demand for high-capacity and rapid public transportation. If we are talking of infrastructure such as trains, expressways and bridges — these will all help to provide new employment, enable goods and people to move faster at a lower cost, and further stimulate overall economic growth.” dagdag pa ni Atienza.
Bukod sa P355.6-billion Metro Manila Subway project, nasa pre-construction stage na rin ang P285-billion North-South Commuter Railwal, ang P211.46-billion Malolos-Clark Railway, at ang P134-billion Philippine National Railway South Commuter Line.
Gayundin ang P51.7-billion Visayas-Mindanao grid interconnection; P37.76-billion Metro Manila Bus Rapid Transit EDSA line, ang P35.26-billion Mindanao Railway Phase 1, at ang P25-billion Metro Manila Flood Management project. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.