PAG-UUSAP NG REBELDE AT PAMAHALAAN ISINUSULONG

SEN BONG GO

TINIYAK ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na tuloy ang pagtugon sa insurgencies sa bansa at makamit nang tuluyan ang inaasam na pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa mga barangay.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Go na dati na silang umaakyat sa bundok ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makipag-usap sa mga rebelde kung saan minsan ay mayroon silang sinusundong mga bihag.

Ayon kay Go, ayaw niyang nagpapatayan ang mga kapwa Pilipino kaya dapat mas magandang mag-usap ang mga rebelde at pamahalaan.

Sinabi ni Go na wala naman sigurong gustong magpatayan ang mga Pilipino dahil palaging kawawa ang pamilya ng mga namamatay sa giyera.

Inihayag ni Go na dumudugo ang kanyang puso sa tuwing mayroong namamatay sa mga engkuwentro.

Aminado naman si Go na isa lang ang kanyang boto sa Senado at hindi niya masasabi ang opinyon ng kanyang mga kapwa senador pero gagawin niya ang kanyang makakaya kung ano ang puwedeng maisuporta sa programa tulad ng hangarin ng NTF-ELCAC na isa sa mga matagumpay na progama ni Pangulong Duterte. VICKY CERVALES