MAY nakalagay na Bonifacio shrine sa paanan ng Bundok Nagpatong at Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite kung saan pinaniniwalaang pinatay si Andres Bonifacio noong May 10, 1897.
Noong April 1897, iniutos ni Emilio Aguinaldo na arestuhin si Bonifacio matapos makatanggap ng liham na nagsasabing ipinasunog ni Bonifacio ang isang buong baryo pati na ang isang simbahan sa Indang matapos tumanggi ang mga tao ritong bigyan sila ng pagkain.
Maraming kalalakihan ng Indang sa pangunguna ni Severino de las Alas, ang nagreklamo kay Aguinaldo. Sinabi nilang ninakaw ng mga tao ng Supremo ang mga kalabaw nila at iba pang mga hayop, pinatay, at kinain. Noong April 25, sa pamumuno nina Colonel Agapito Bonzón at Major José Ignacio “Intsik” Paua ay dinakip si Bonifacio sa kanyang kampo sa barrio Limbon, Indang. Hindi alam ni Bonifacio na darakpin siya kaya masaya silang tinanggap. Kinabukasan, inatake ang kampo ni Bonifacio. Nasorpresa si Bonifacio at tumamngging kalabanin ang kapwa Tagalog, at inatasan pa ang mga tao niyang huwag magpaputok. Nabaril si Bonifacio ni Bonzón sa braso, at sinaksak pa siya ni Paua sa leeg ngunit ipinagtanggol siya ng kanyang mga kasama.
Napatay sa labanan ang kapatid ni Bonifacio na si Ciriaco at ginahasa pa ni Bonson si Gregoria de Jesus na kanyang asawa. Mula sa Indang, gutom at sugatan, kinaladkad siya at dinala sa Naic na siya namang kampo ni Aguinaldo, at pagkatapos ay sa Maragondon, kung saan kasamang inusig ang kapatid niyang si Procopio noong May 5, 1897 sa kasong pagtataksil at tangkang pagpatay kay Aguinaldo. Dahil lahat ng humusga ay mga tao ni Aguinaldo pati na ang abogado nina Andres at Procopio, sila ay nahatulan ng kamatayan, kahit pa walang sapat na katibayan.
Pinababa ito ni Aguinaldo sa pagpapatapon o deportation noong May 8, 1897 pero iginiit ito nina Pio del Pilar at Mariano Noriel, na sinusugan pa ni Mamerto Natividád na lahat ay kakampi ni Aguinaldo. Pinatay ang magkapatid noong May 10, 1897 sanhi upang humina ang loob ng mga rebolusyunaryo. Sa kanyang pagkamatay, pumalit sa pamumuno ng Katipunan sina Emilio Jacinto at Macario Sakay na hindi kinikilala ang otoridad ni Aguinaldo. LEANNE SPHERE