CAMP AGUINALDO- DAHIL hindi pa rin naaawat ang pagsirit ng kaso ng coronavirus sa Regions 6 at 7 o Western at Central Visayas, ipinag-utos ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na tumatayo ring chairman ng National Task Force Against COVID-19, ang pagsuspinde sa pagpapauwi sa mga locally stranded individuals (LSIs) na papunta sa nasabing mga rehiyon sa loob ng dalawang linggo simula kahapon, Hunyo 28.
Ayon sa kalihim, kinailangan nilang gawin ito upang pigilan ang paglawak ng kaso ng sakit dahil nabubunton sa LSIs ang sisi dahil sa umano’y sila ang nagdadala ng virus sa mga probinsiya base na rin sa datos mula Bacolod at Iloilo City.
Ang mga lokal na pamahalaan aniya ang humingi ng suspension sa repatriation ng mga LSIs.
Dahil dito, kailangan aniya nilang bumuo ng mas magandang procedure para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19 sa buong bansa.
Pinapayuhan ni Lorenzana ang mga LSIs na maghintay na lamang sa kung saan sila pansamantalang naninirahan sa ngayon.
Hinimok din ni Lorenzana ang mga LSI na huwag munang pumunta sa mga paliparan at pantalan.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na sinuspinde ng pamahalaan ang pagbiyahe sa mga LSI para maresolba muna ang concerns ng mga lokal na pamahalaan hinggil sa pagkalat ng COVID-19 sa kani-kanilang mga probinsiya. VERLIN RUIZ
Comments are closed.