PAG-UWI NG OFW NAUDLOT NANG ‘MAWALA SA WISYO’

SAUDI ARABIA – HINIHINTAY pa ang tuluyang paggaling ng isang overseas Filipino worker (OFW) bago payagang makapagbiyahe at makauwi sa Filipinas dahil sa umano’y pagkawala sa katinuan.

Pauwi na sana si alyas Lito sa Filipinas ­subalit hindi ito pinayagan dahil sa kondisyon ng kaniyang isipan makaraang indahin ang  sakit sa ulo.

Ayon sa kaniyang pamilya, kakatapos lang ng dalawang taong kontrata ni Lito bilang  driver ng construction company sa Abha nang bigla itong makaramdam ng matinding pananakit ng ulo na nagresulta ng panlalabo ng paningin, hindi na makakain at tila natutuliro.

Nabalitaan lamang ng ina ni Lito ang kondisyon nito nang ipaalam ng kanyang  katrabaho sa Abha, Saudi Arabia.

Sinasabing hindi ito nagsasalita masyado at madalas din itong palakad-lakad at kung ano-ano ang sinisilip. Sumasagot naman daw tuwing kinakausap ngunit pagkatapos ay wala na siyang maalala.

Inamin ng ina na sumasakit na ang ulo ni Lito bago pa ito umalis papuntang Saudi ngunit nagpumilit pa rin daw itong makaalis upang makatulong sa kanyang pamilya.

Nasa pangangalaga pa rin ng mga katrabaho si Joselito habang naghihintay ng tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon naman kay OWWA officer Marie Cruz na tutulong ang kanyang tanggapan sa Philippine Overseas Labor and Office (POLO) upang mapabilis ang pag-uwi ni Joselito. CAMILLE BOLOS

 

 

Comments are closed.