Mga laro ngayon:
(knockout semifinals)
4 p.m. – Globalport-MisOr vs Zamboanga Sibugay
6:30 p.m. – Pagadian vs BYB Kapatagan
NANATILI ang pag-asa ng home team Pagadian para sa minimithing kampeonato.
Ginapi ng crowd-favorite ang No.7 seed MFT Iligan sa dominanteng 105-78 panalo sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge quarterfinals Sabado ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.
Bunsod ng panalo, naisaayos ng Explorers ang knockout semifinals match kontra No.3 seed BYB Kapatagan ngayong Lunes, alas-6:30 ng gabi.
Matikas na nakihamok ang Archangels sa unang bahagi ng laro tungo sa 37-40 iskor sa halftime. Subalit nagliyab ang opensa ng Pagadian sa third period sa naiskor na 30 puntos para hilahin ang bentahe sa 70-52 tungo sa final period.
Hindi na nakabangon ang Iligan para makumpleto ng Pagadian ang dominasyon.
“Hindi ko na sila kailangang pagalitan, professional na sila. Basta dumepensa sila, mag-box out at huwag maliitin ang kalaban,” pahayag ni Explorers head coach Gherome Ejercito.
Hataw si Judel Fuentes sa Pagadian na may 19 puntos, tampok ang 5 three-pointer, 5 rebounds at 4 assists.
Nanguna si Eugene Torres sa Archangels sa naiskor na 18 puntos.
Sa iba pang laro, hiniya ng BYB Kapatagan ang Mindanao champion Basilan BRT sa 64-60 panalo.
“Nag-relax kami down the stretch. Kaya nga nagalit ako sa kanila eh sabi ko hindi puwedeng magkumpiyansa dito sa playoffs,” sabi ni Kapatagan head coach Jaime Rivera.
Kumubra si Gayford Rodriguez ng 15 puntos para sa Buffalos.
Samantala, nanaig ang twice-to-beat Zamboanga Sibugay sa No. 5 seed Roxas, 68-60.
Mapapalaban ang Anak Mindanao Warriors sa top seed Globalport-MisOr sa knockout semifinals ngayong Lunes. EDWIN ROLLON