NALUSUTAN ng host team Pagadian ang ratsada ng BYB Kapatagan sa krusyal na sandali para maitakas ang 79-67 panalo at makisosyo sa ikalawang puwesto sa pagtatapos ng double-round elimination ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge Huwebes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Magkasalo ang Explorers at Buffalos na may 7-5 karta, ngunit nakuha ng Pagadian ang tiebreaker bunsod ng panalo sa kanilang unang paghaharap sa bentaheng 12 puntos.
Matikas na nakipagpalitan ng opensa ang Pagadian para maabatan ang pagtatangkang pagbangon ng Kapatagan sa krusyal na sandali upang maselyuhan ang panalo.
Pinangunahan ni Judel Fuentes ang Pagadian sa kinamadang 19 puntos at limang rebounds, habang kumana sina Charles Pepito at John Quimado ng 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si Gayford Rodriguez sa Kapatagan na may 22 puntos.
Sa ikalawang laro, pinutol ng Roxas ang two-game losing skid sa impresibong 79-70 panalo laban sa Basilan BRT.
Umangat ang Vanguards sa 6-5.
Nagawang makabangon mula sa 19 puntos na deficit ang Basilan Peace Riders sa mainit na 15-2 run, 72-66, may 3:22 ang nalalabi sa laro.
Ngunit hindi na pinayagan nina James Martinez, Marlon Monte, at Nick Abanto na makaalpas ang Basilan sa naisalpak na krusyal basket para selyuhan ang panalo.
Nagbuhos si Abanto ng 20 puntos para sa Vanguards, habang tumipa si Martinez ng 17 puntos at kumubra si Monte ng 10 puntos.
Samantala, binawi ng liga ang dikitang 71-70 panalo ng Zamboanga Sibugay sa Pagadian nitong Disyembre 3 matapos magdesisyon na i-default ang laro bunsod ng kabiguan ng Zamboanga na mapalaro ang isang homegrown player na nakabatay sa regulasyon ng liga.
Hindi sinasadya na nailagay sa lineup ng Zamboanga Sibugay si Jeff Acain na isang homegrown player. Bunsod nito, tinapos ng Exploter ang elimination round katabla ang BYB Kapatagan sa ikalawang puwesto na may 7-5marka.
Bagsak sa sosyong ika-apat na puwesto ang Warriors kasama ang Roxas sa 6-5 karta. EDWIN ROLLON