PAGALINGAN SA RIFLE SHOOTING, PHL ARMY NAGPADALA NG PANLABAN SA AARM

MULING patutunayan ng mga sundalong Pinoy ang galing nila sa pagtudla sa gaganaping 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Armies Rifle Meet 2023 na inorganisa ng Royal Thai Army.

Isang send-off ceremony ang isinagawa para sa 42 delegates ng Philippine Army Shooting Contingent na ipapadala sa gaganaping rifle shooting meet.

Idinaos ang seremonya sa Headquarters ng Philippine Army, sa Fort Bonifacio, Taguig City
Binubuo ang PASCON ng 25 shooters at 17 non-shooting staff na makikipagkompetensya sa ASEAN Armies Rifle Meet (AARM) 2023 sa Infantry Center, Pran Buri District, Prachuap Khiri Khan, Thailand sa November 16-25.

Itinatag ang taunang aktibidad upang maipamalas ang professional goodwill, cooperation, at friendly competition sa pagitan ng mga bansa sa Asian region.

Kumpyansa naman si Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido na maipakikita ng shooting team ang husay at galing ng Hukbong Katihan nang may buong dangal at integridad.
VERLIN RUIZ