Kailangan daw dagdagan ng badyet ang Department of Science and Technology (DOST) para sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ayon kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri. Ito raw ay dahil sa mahinang weather forecasting o pagtingin ng taya ng panahon ng PAGASA sa mga nakalipas na sunod sunod na bagyo na nagdulot ng pagkasira ng milyong halaga ng impraestruktura, agrikultura. Dagdag pa ni Zubiri, ang mga biktima ay nasawi na mga kababayan natin dulot ng mga bagyo.
Sinabi ni Zubiri na mahalaga na may maganda at makabagong mga kagamitan ang PAGASA. Ayon kasi sa kalalabas na ulat ng 2024 World Risk Report, ang Pilipinas ay kasama sa listahan bilang “the most disaster-prone among 193 countries”.
Matatandaan na nagalit si Albay 2nd District Representative Joey Salceda sa PAGASA at tinawag na natutulog sila sa kanilang trabaho dahil hindi nagbigay ng wastong impormasyon sa lakas ng ulan na ibinuhos ni bagyong “Enteng” sa Albay. Nadamay rin pati ang Mega Manila at ilang bahagi ng central at northern Luzon. Umabot kasi sa orange rainfall warning ang bagyong “Enteng” at hindi masyadong nakapaghanda ang mga naapektuhan ng nasabing bagyo. Nag- iwan si “Enteng” ng matinding baha sa ilang mga lalawigan sa Luzon.
Sinabi pa ni Zubiri na nagdulot ng kalituhan ang ilang mga LGU sa pagdedeklara ng maagang pagsuspinde ng klase. Dahil walang malinaw na impormasyon mula sa PAGASA ay pinagbabasehan na lamang nila ang patuloy na malakas na ulan sa madaling araw bago mag -anunsiyo ng suspensyon ng klase. Wala raw kasing sapat na abiso mula sa PAGASA sa mga LGU at sa Palasyo ayon kay Zubiri. “This is a failure of us to inform the people about the weather, and it is a failure of us, as a government, to warn them about the geohazard areas,” ang paliwanag ni Zubiri.
“Kapag may pagkukulang, baka pwede nating dagdagan ang equipment ninyo. Baka pwede nating dagdagan ang inyong training, or what software or hardware that you need,” ang sabi ni Zubiri sa mga opisyal ng PAGASA sa pagdinig sa budget ng DOST.
Dagdag pa ni Zubiri na malaki pa ang kakulangan ng PAGASA sa mga tinatawag na doppler radars. Ito raw ay isang mahalagang equipment upang mas tumpak at detalyado ang pag- aanalisa ng taya ng panahon. 11 sa 19 na doppler radars lamang ang gumagana ayon sa PAGASA.
Naghain ang DOST ng kanilang proposed budget para sa 2025 na P49.253 billion, subalit P28.772 billion lamang ang inaprubahan sa ilalim ng National Expenditure Program.
Siguro naman kapag ibinigay ng Kongreso ang mga kailangan na badyet ng PAGASA, hindi na masasabing natutulog sila sa trabaho. Sleeping pills naman ang kailangan nila.