SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang pagawaan ng pekeng mga dokumento gaya ng IATF ID, quarantine pass, travel authority pass, medical certificate, swab test at rapid test results mula sa Manila Health Department (MHD) kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ni P/Lt.Col John Guiagui,station commander ng Manila Police District-Police Station 3 ang suspek na si Marilyn Balagtas, 40-anyos, siyang nagpapatakbo ng pagawaan ng pekeng dokumento na matagpuan sa panulukan ng Sulu at Remigio Sts. sa Sta.Cruz, Maynila.
Isang entrapment operation ang isinagawa bago sinalakay ang pagawaan dakong ala-5 ng umaga kung saan nasamsam ang computers, print-ers, at iba’t ibang klaseng mga dokumento na iniimprenta ng suspek.
Sinabi ni Guiagui, natunton nila ang lugar matapos masita ang isang lalaki na may bitbit na pekeng travel authority mula umano sa kanilang istasyon.
Dito na itinuro ng lalaki na kung saan siya nagpagawa ng pekeng dokumento na binayaran umano niya ng P300.
Nalaman na ang pagawaan ng mga pekeng dokumento ay dinarayo pa na nagmula sa iba’t ibang lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Balagtas na pinapa-scan lang sa kanya ng mga customer ang mga dokumento at taga-imprenta lang siya.
Kasong falsification and use of falsified document ang kakaharapin ni Balagtas sa Manila Prosecutors Office. PAUL ROLDAN
Comments are closed.