PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsalakay sa isang bahay sa Sampaloc, Maynila pagawaan ng pekeng P1000 bills Lunes ng umaga kung saan naaresto ang tatlong suspek.
Kasama ni Moreno sa pagsalakay ang mga tauhan ng Manila Police District- Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) sa pangunguna ni PMaj. Rosalino Ibay Jr., Police Stn 4 ng QCPD sa pangunguna ni Lt. Col. Richard Ian Ang at Stn 12 sa ilalim ni LtCol. Damaso Burgos, at mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na sina Atty. Rene Fajardo at Atty Andrew Asprin.
Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit 300 piraso ng pekeng pera na P1,000 bills sa mga suspek na kinilalang sina Datu Aron Mangundatu,34, nagpakilalang ‘asset’ ng CIS at PDEA at taga 2040 -B Smith St. Singalong Maynila; Francis Tuwalya ,27, ng 1045 P. Geuvarra St, Sta Cruz ; at Paolo Cabrera Guevarra, 35 at taga 1532 Loyola St.Sampaloc,Maynila.
Bitbit ang Service of Search warrant para sa paglabag sa Articles 166, 168 at 176 ng Revised Penal Code o Manufacturing of Counterfeit Philippines Currency na inisyu ni Judge Thelma Bunyi Medina ,sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa 1532 Loyola corner Valencia Street, Sampaloc, Maynila dakong alas 11:40, Lunes ng umaga.
Dito na inabot ng mga awtoridad ang mga suspek at nakumpiska ang mga gupit ng pekeng P1,000 bills habang ang iba naman ay katatapos pa lamang i-imprenta at di pa nagugupit.
Dinala ang mga suspek sa tanggapan ng SMaRT para sa kaukulang imbestigasyon kung saan sinabi pa ng suspek na si Mangundatu na siya ay “alpha” ng CIS at PDEA.
Ayon kay PMaj Rosalino Ibay hepe ng SMaRT sasampahan ng paglabag sa Article 166, 168, at 176 ng RPC ang mga suspek, bukod pa sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Fangerous Drug Act of 2002 matapos makumpiska ng mga awtoridad ang mga tea bags na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at iba pang drug paraphernalias sa mga suspek.
Ang nasabing pagsalakay ay sinaksihan nina Bgy. Chairman Mariano S. Ponce ng Bgy. 460 at Bgy Chairman Clarita Padero ng Bgy. 461, Zone 45. VERLIN RUIZ
Comments are closed.