PAGAWAAN NG PEKENG PLAKA SINALAKAY

fake plate number

DALAWA katao ang dinakip matapos salakayin ng awtoridad ang isang bahay na guma­gawa ng mga pekeng plaka ng sasakyan sa Caloocan City kama­kalawa ng hapon.

Kinilala ang naares­tong suspek na si Rizan Gabo, 29-anyos, graphic artist ng Rainbow Walnut St., Brgy. 171, Bagumbong, at ang kasabwat na si Mary Manzanero, 23-anyos, ng Block 1, Lot 23, Phase 3, Greenville Subdivision, Bagumbong.

Sa nakalap na ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, nilusob dakong ala-1:30 ng hapon ng pinagsamang mga tauhan ng Anti-Carnapping Unit, Highway Patrol Group (HPG) at Land Transportation Office (LTO) ang lungga ni Gabo sa bisa ng search warrant na inisyu ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Judge Rosalia Hipolito-Bunagan ng Branch 232 dahil sa paglabag sa Article 178 ng Revised Penal Code o Falsification of Public Documents.

Ayon sa pulisya, kabilang sa mga ginagawa sa bahay ni Gabo ang mga pekeng license plates, commemorative plates, yellow plates, motorcycle plates at LTO stickers.

Nakumpiska kay Manzanero ang walong piraso ng pekeng license plates na nakalagay sa kanyang backpack, habang 18 piraso ng sari-saring plaka, isang hot at cold laminator machine, computer at printer ang nasamsam kay Gabo.

Naniniwala ang pulisya na ang mga pekeng license plates na ginagawa ng mga suspek ay ginagamit ng mga criminal sa kanilang mga get-away vehicles. VICK TANES