PAGAWAAN NG TAHO SINALAKAY

taho

CAGAYAN – IPINASARA at pinagmumulta ng lokal na pamahalaan katuwang ang PNP-Tuguegarao City, na pinamumunuan ni P/Lt. Col. George Cabalarda, ang isang pagawaan ng taho makaraang makitaan ng mga paglabag sa lungsod ng Tuguegarao.

Ayon kay Andres Baccay, head ng Business Permit and Licensing Office, na sinalakay nila ang patagong pagawaan ng taho sa sumbong ng mga residente dahil sa marumi nitong pasilidad na labing-pitong taon nang ilegal na nag-o-operate sa Barangay Buntun.

Kaagad namang ikinasa ang pagsalakay kung saan tumambad sa mga tauhan ng pulisya at BPLO ang pagawaan ng taho na nasa tabi lang ng comfort room at kulungan ng baboy. Ang paggawaan ay walang kaukulang business at sanitary permit na pagmamay-ari ni alyas Cesar.

Sinabi  pa ni Baccay na bago ang pagsalakay ay binigyan pa ng tatlong linggo ang may-ari nang nasabing pagawaan ng taho na kumuha ng mga kaukulang papeles at linisin ang pagawaan subalit nabigo ito na na­ging dahilan upang isilbi ng task force ang closure order nito.

Natuklasan pa ng mga kinauukulan,  bukod sa marumi  ang naturang pagawaan ay ang ginagamit pa umanong panggatong sa pagluluto ng taho ay mga lumang gulong o goma ng sasak­yan. IRENE GONZALES

Comments are closed.