HINDI maitatanggi na ang inilabas na datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan ay nagpapakita ng magandang larawan para sa ekonomiya ng bansa.
Habang papalapit tayo sa panahon ng Pasko, ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho ay naglalarawan ng positibong epekto ng pagtaas ng aktibidad sa ekonomiya at oportunidad sa kabuhayan.
Ang Pilipinas, na may malakas na 5.9 porsiyentong paglago sa ikatlong kwarto, ay kumikislap sa gitna ng mga pangunahing ekonomiya sa Asya. Isang mahalagang bahagi ng tagumpay na ito ay ang epektibong pamamahala ng gobyerno, na may malinaw na layunin para sa pag-angat ng ekonomiya, gaya ng ipinakikita ng pagbabagal ng inflation rate.
Ang mga masiglang pagsisikap ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabawasan ang kahirapan ay kitang-kita, na may malaking pagbaba sa pangkalahatang porsiyento ng gutom sa mga self-rated na mahihirap.
Ang pinakabagong survey ng PSA ukol sa Labor Force ay nagpapakita ng pagbababa ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, isang positibong takbo na tugma sa pangako ng gobyerno na mabawasan ang unemployment rate.
Ang mga kamakailang batas tulad ng Trabaho Para sa Bayan Act (RA 11692) at ang Public-Private Partnership (PPP) Act ay inaasahang magbibigay-daan sa mas maraming oportunidad sa trabaho at iba pa.
Ang pagsusumikap ng gobyerno sa pag-unlad ng imprastruktura at mabilisang gastusin ay lumitaw bilang batayan para sa paglikha ng trabaho, pampasigla sa ekonomiya, at pag-akit ng mga puhunan. Ang “Build Better More” ay hindi lamang isang slogan kundi isang estratehikong programa sa trabaho, nagpapakita ng isang mahusay na siklo sa pamamahala ng pondo.
Samantala, ipinakikita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagiging huwaran sa malasakit sa kapwa ng gobyerno. Ang pag-turn over ng patient transport vehicles (PTV) sa mga lokal na pamahalaan ay pagpapakita ng dedikasyon ng PCSO sa pagtulong sa mga komunidad.
Ang inisyatibo, na nagkakahalaga ng P2.2 milyon bawat unit, ay naglalayong magbigay ng mabilis at ligtas na transportasyon para sa mga pasyente papunta sa mga ospital. Ang layunin ng PCSO na magbigay ng hindi bababa sa isang PTV sa bawat halos 2,000 munisipalidad ay nagpapakita ng dedikasyon sa pangmatagalanang access sa medikal na tulong.
Ang pahayag ni General Manager Mel Robles na magdodoble ang pondo para sa charity sa 2024 ay nagbibigay diin sa papel ng PCSO bilang braso ng gobyerno sa charity. Ang layuning ito sa pinansiyal, edukasyonal, at medikal na tulong ay nagpapakita ng natatangi at tapat na paglilingkod ng ahensiya sa mga nangangailangang Pilipino.
Habang ang gobyerno ay naglalatag ng daan patungo sa ekonomikong pag-angat, ang malasakit ng PCSO ay nagiging ilaw, na nagtitiyak na walang maiiwan.
Sabi nga, ang “PCSO ay hindi umuurong sa pagtulong!”