KINUMPIRMA ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na bumabagal ang pagbaba ng naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at sa bansa.
Ayon kay Dr. Alethea de Guzman, OIC-Director ng DOH-Epidemiology Bureau (EB), sa ngayon ay patuloy sa pagbaba ang mga kaso ng COVID-19 sa NCR at maging sa buong bansa ngunit bumabagal aniya ito kumpara noong mga nakaraang linggo.
Sinabi ni de Guzman na ang bansa ay nakapagtala ng average na 4,183 daily new cases mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 1.
Ito ay 14% na mas mababa kumpara sa 4,886 average cases na naitala mula Oktubre 19 hanggang 25.
Gayunman, ang naturang 4,886 average cases ay 35% aniya na mas mababa kumpara sa 7,529 daily cases na naitala naman mula Oktubre 12 hanggang 18.
“May nakikita tayong pagbagal sa ating pagbaba [ng kaso]. It is still going down but the decline is slower than the previous weeks,” ayon pa kay de Guzman sa isang online media forum.
Sinabi pa ni de Guzman na naobserbahan din nila ang pagbagal ng pagbaba ng mga bagong kaso ng sakit sa NCR.
Aniya, ang NCR ay nakapagtala ng 770 bagong daily cases mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre, na 14% na mas mababa mula sa 898 average cases na naitala naman mula Oktubre 19 hanggang 25.
Gayunman, ang naturang 898 kaso ay 36% aniya na mas mababa kumpara sa 1,405 daily cases na naitala naman nila mula Oktubre 12 hanggang 18.
Kaugnay nito, nagbabala si de Guzman na kung magpapatuloy ang naturang trend, hindi malabong ang negative growth rate ng mga kaso ngayon ay maaaring maging positibo ulit.
“There is a decline, pero kapag bumabagal, ‘yun ay higit nating binabantayan kasi ‘yung pagbagal na ‘yun posibleng makita natin from negative, nagpa-positive na tayo,” aniya pa.
Sinabi rin ni de Guzman na isa sa mga maaaring nakakapag-contribute sa pagbagal ng pagbaba ng mga bagong kaso ng impeksiyon ay ang pag-ease up o pagrerelaks ng ilang lugar sa kanilang active case finding.
Pinaalalahanan naman niya ang mga local government units (LGUs) na ipagpatuloy ang kanilang active case finding upang maiwasan ang pagdami pa ng COVID-19 cases. ANA ROSARIO HERNANDEZ