MAGANDANG balita ang sumalubong sa atin noong Miyerkoles dahil nagbigay ng ulat ang DoH na malaki na ang ibinababa ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Ayon sa DoH, bumaba na sa 1,591 ang mga bagong kaso ng nasabing sakit. Ito na raw ang pinakamababang bilang simula noong Pebrero nitong taon. Marahil ito ay dulot ng pagdami ng mga Pilipino na nagpabakuna na laban sa COVID-19.
Sana naman ay magpatuloy na ang dami ng mga kababayan natin na magpapabakuna sa mga susunod na buwan upang tuluyan nang bumalik ang normal na pamumuhay natin pagpasok ng 2022. Maibalik na rin ang pagtitipon-tipon ng mga kapamilya natin na halos dalawang taon na ring hindi normal ang pagdiriwang natin ng Pasko.
Subalit may pangamba ang ibang sektor na maaaring tumaas muli ang bilang ng kaso ng COVID-19 kapag hindi pinagtuunan ng DoH ang pagbibigay ng tinatawag na booster shot sa mga taong may dalawang dose na ng COVID-19 vaccine.
Ayon sa OCTA Research, huwag muna tayong magpakasiguro na tuluyang pababa na ang bilang ng kaso ng mga tinatamaan ng COVID-19 dahil daw maaaring nawawalan na ng bisa ang mga bakuna na itinuturok sa ating mga bakunado na noong mga nakaraang anim hanggang siyam na buwan. Kaya maaari raw tamaan o mahawaan muli ang mga taong una nang nabakunahan laban sa COVID-19.
Ayon sa taga-OCTA Research na si Guido David, ang nasabing teorya ay pinagbasehan sa mga ibang bansa na tumaas muli ang bilang ng kaso ng COVID-19 dahil marami raw ang hindi nabigyan ng ikatlong bakuna na tinatawag nga na booster shot.
Sa Estados Unidos, marami na ang nagpa-booster shot kaya naman medyo bumabalik na sa normal ang pamumuhay doon. Marami nang bukas na mga kainan, pasyalan, ganoon din ang pagbiyahe sa iba’t ibang estado sa Amerika.
Napag-uusapan na rin itong sinasabing booster shot sa ating bansa. Sa katunayan ay naglabas na ang IATF at ang DoH ng rekomendasyon tungkol sa booster shots. Subalit hindi pa malinaw kung kailan ang implementasyon ng nasabing programa para sa ikatlong bakuna sa mga taong nasa hanay ng ‘fully vaccinated’ o may dalawang bakuna na.
Tulad ng sinasabi ng OCTA Research, plano ng DoH na bigyan ng prayoridad ang mga healthcare worker, senior citizens at mga taong nasa hanay ng ‘comorbidity’ o mga mga sakit na maaaring madaling tamaan ng COVID-19.
Ayon sa DoH, tinatarget nila na masimulan ang booster shot kapag 50% ng mga health worker, senior citizen at mga may comorbidity ang kumpleto nang nabakunahan at 70% ng populasyon sa Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo. Calabarzon at Central Luzon ay nabakunahan na rin. Ayon sa kanila, mas mainam na ito ang maging batayan upang masiguro na nabibigyan prayoridad pa rin ang mga wala pa ni isang bakuna laban sa nakamamatay na sakit.
Sinabi rin ng DoH na maaaring ipaghalo ang iba’t ibang brand ng COVID-19 vaccine. Ang mga nabakunahan ng Sinovac ay maaaring magpaturok ng gawa ng Pfizer o AstraZeneca.
Sa mga nabakunahan naman ng Pfizer o ‘yung single dose ng Johnson and Johnson, kailangan daw ay parehas na brand ang ituturok sa kanila. Sa mga naturukan naman ng Moderna at AstraZeneca, maaaring ang ikatlong turok ay mula sa Pfizer. Ayon din kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. handa silang mamigay sa mga Pilipino ng suplay ng ikatlong booster shots ngayong Nobyembre.
Kaya ito ang matinding panawagan sa ating lahat. Antabayanan natin ang pormal na pag-anunsiyo ng ating gobyerno sa pagbubukas ng programa tungkol sa ikatlong bakuna para tuluyan nang bumaba ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.