PAGBABA NG MORALIDAD SANHI NG PAGTAAS NG KASO NG HIV-AIDS

HIV POSITIVE

NAGPAHAYAG ng paniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang pagbaba ng moralidad ng tao ang isa sa mga pangunahing dahilan ng tumataas na kaso ng HIV-AIDS infection sa bansa, partikular na sa hanay ng mga kabataan.

Ayon kay Father Norman Peña, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Culture, normal sa kultura ng mga Filipino ang pagiging konserbatibo at ang pagkakaroon ng mataas na moralidad dahil sa pagiging isang Kristiyanong bansa ng Filipinas.

Gayunman,  dahil sa nagbabagong impluwensiya ng lipunan ay kapansin-pansin ang pagbaba ng moralidad at unti-unti nang pagi­ging agresibo ng mga kabataan, kahit pagda­ting sa mga sekswal na aktibidad.

“Sa Filipinas as a culture, mataas ang morality natin kasi nga Catholic tayo, pero ang mababa ay ‘yung observance ng morality, ‘yun ang kailangan din natin i-distinguish kasi in reality tayo rin in sense of observance hindi natin natutuunan ng pansin. Ang dami na­ting inaalala maraming mga problema so siguro ganu’n even the young people, parang naiimpluwensiyahan because of that ‘yung mga nakikita nila around, naiimpluwensiyahan ‘yung observance nila ng morality,” ani Peña sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Tiniyak naman ni Peña na hindi tumitigil sa pangangaral at pagpapaalala ang buong Simbahang Katolika sa tamang pagtatagu­yod ng dignidad at moralidad ng isang tao ngunit kinakailangan pa rin aniya na mabantayan at magabayan mula sa tahanan ang moral values ng isang kabataan.

Iginiit ng Pari na ito ang isa sa mga salik ng kultura ng isang tao na hindi masasaklawan o maaaring kontrolin ng simbahan.

“Ang simbahan ay patuloy namang nagpapaalala, kaya ‘yun talagang personal responsibilities ng mga mas malapit, for example ‘yung mga magulang, mas mababantayan, masusubaybayan ‘yung kanilang mga anak kung ano talaga ‘yung dapat mas pahalagahan nila ‘yun siguro ‘yung kulang. At the end of it all, ang simbahan is hindi pa rin n’ya makokontrol talaga ‘yung lahat na dapat gusto ng tao. Ipinapaalala ng simbahan lagi kung ano ‘yung sinasabi ng Diyos kung ano ‘yung makaka -improve ng dignidad ng persons pero in the end, ‘yun pa ring tao [ang magdedesisyon], ‘yun siguro ‘yung mahirap talagang minsan pag-isipan,” aniya.

Batay sa pinakahu­ling datos ng Department of Health (DOH), nito lamang Agosto 2018 ay nakapagtala ang ahensya ng 1,047 bagong kaso ng HIV, at 159 sa mga ito ang nasawi dahil sa karamdaman sa nasabi ring buwan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.