(Pagbaba ng presyo matatagalan pa — PEBA)SUPLAY NG ITLOG APEKTADO NG BIRD FLU

ITLOG-5

NANANATILING problema ang paglaganap ng bird flu sa buong mundo na nakaaapekto sa suplay ng itlog sa bansa.

Ito’y ayon kay Philippine Egg Board Association (PEBA) Chairman Gregorio San Diego kasunod ng pagtaas ng presyo ng itlog sa mga pamilihan.

Sinabi ni San Diego na posibleng isang taon pa ang hintayin bago dumami ang suplay ng itlog sa bansa kaya matatagalan pa bago bumaba ang presyo nito.

“Ang total para sa itlog na itinitinda sa atin sa merkado mga isang taon kung manggagaling sa breader. Hindi naman sa atin problema ‘yan…ang ugat talaga ng problema ‘yung bird flu na tinatawag natin sa sakit ng manok ay laganap sa buong mundo. Pati ‘yung mga kinukunan natin ng parents stocks ay tinamaan din ng bird flu kaya kaunti ‘yung mga dumating na parents stocks dito sa atin,” pahayag ni San Diego sa panayam ng DWIZ.

Aniya, kabilang din sa mga dahilan ng pagbaba ng suplay ng itlog ay ang pagmahal ng patuka o feeds.

“‘Yung mga malilit na nasa negosyo ng paitlugan noong isang taon ay hindi tumagal—tumigil na. Ang kinakain na feed ng isang paitluging manok sa isang araw ay halos limang piso na…ganyan kamahal ang patuka ng manok,” dagdag pa ni San Diego.

DWIZ 882