ABOT-KAMAY na ng San Juaneño ang nais nilang pagbabago sa kanilang lungsod sa pamamagitan ni PDP Laban mayoral candidate Francis Zamora at ama nitong si congressional re-electionist Ronny Zamora.
Noong Biyernes, unang araw ng kampanya para sa kandidato ng local position ay dinagsa ng kanilang mga supporter sa pamisa alas-4:00 ng hapon sa Pinaglabanan Church saka sabay-sabay na nagmartsa para sa proclamation rally sa Plaza ng Masa ala-6 ng gabi sa nasabing lungsod.
Isang hindi malilimutang gabi ang nasabing event kung saan malaking porsiyento ng mga botante at mamamayan ng San Juan ay nakipabahagi.
Nagpasaya ang mga intermission number ni Dennis Padilla na nagpaalis ng init at pagod ng mga supporter.
Naroon din ang sikat na TV/host personality na si Toni Gonzaga na nagbigay ng saya sa kanyang singing performance.
Kabilang naman sa nakapanayam ng PILIPINO Mirror ang mga supporter na sina aling Tessie at Mang Boyet na asam nila ang panalo ng mag-amang Zamora.
“Kami ay masaya at kinakabahan, masaya dahil alam namin na mababago na ang San Juan pagkatapos ng eleksiyon dahil ibo-boto namin si Mayor Francis (Zamora) at kinakabahan din dahil baka madaya (muli) kami,” ayon sa mga supporter.
Samantala, sa statement ng dating bise alkalde, nagpasalamat ito sa dumagsang supporter sa kanilang actual na proclamation ral-ly.
“Maraming salamat po sa lahat ng nakikiisa at sumuporta sa ating misa, parada at proclamation rally noong Marso 31, at unang araw ng ating kampanya para sa isang Makabagong San Juan! 42 na araw nalang po at makakamit na po natin ang Tunay na Pagbabago sa ating Dakilang Lungsod” ayon sa nakababatang Zamora.
Noong Sabado, Marso 30 ay dire-diretso ang house rally ng mga Zamora kung saan naging mainit ang pagtanggap sa kanila ng mga residente sa General Bautista Street na sakop ng Barangay Batis.
Pinasalamatan din ni Zamora ang pagsuporta sa kanila ni dating Senador Gringgo Honasan.
Bukod sa house to house campaign ay aktibo rin ang mga Zamora sa social media kung saan nananawagan sila sa kanilang mga kababayan na panoorin ang video ng Makabagong San Juan na ipinaglalaban ni Mayor Zamora.
“Sa mga minamahal kong San Juaneño, atin pong panoorin ang ang video ng Makabagong San Juan na ipinaglalaban ni Mayor Francis Zamora kung saan makikita po natin ang ating mga plano at plataporma para sa High Rise In-City Public Housing, isang tunay na Public Hospital, isang Digitally Connected Smart City na may Libreng WI-FI sa bawat barangay at iba’t ibang mga pam-publikong imprastraktura para sa ating mamamayan. Panoorin po ninyo ito at paki-share rin po sa inyong Facebook at Social media accounts para sa kaalaman po ng lahat.
Maraming salamat po!,” ang panawagan ng mga Zamora na nakasaad sa Facebook. EUNICE C.
Comments are closed.