PAGBABAGO SA SENADO

alex santos

HINDI na bago sa ating pandinig ang nangyaring pagbabago sa liderato ng Senado.

Kasunod ito ng pagkakahirang kay Sen. Tito Sotto o mas kilala sa amin sa media na “Tito Sen Pres” na ngayon, dahil siya na ang bagong Pa­ngulo ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Kung hindi ako nagkakamali, isa si “Tito Sen Pres” sa mga naging Senate President na hindi abogado.

Pagkakataon na niyang patunayan na karapat-dapat siya sa puwesto.

Naging No. 1 sa Bar Exams ang pinalitan niya na si Sen. Koko Pimentel pero hindi rin naman matatawaran ang accomplishments ni Sotto sa Senado at itinuturing na nga rin siyang No. 1.

Noong unang tumakbo nga si Tito Sen taong 1992, milyon-milyon ang naging boto niya at mahigit 3 milyon yata ang naging lamang niya sa sumunod na kandidato.

Kung babalikan natin ang buhay-politika ni “Tito Sen Pres”, aba hindi matatawaran ang kanyang pinagdaanan.

Mula sa pagiging Vice Mayor ng Quezon City hanggang sa nara­ting niya ang posisyon ngayon.

‘Ika nga ‘di lang ang pagiging sikat na artista sa panahon ng “Iskul Bukol” at “Eat Bulaga”, na siyang alas niya sa halalan, bagkus ipinamalas naman niya ang husay sa pagpanday ng mga batas.

Higit pa riyan, ay ang kanyang prinsipyo at integridad na ‘di nagbago mula ngayon.

Personal kong kilala si “Tito Sen Pres”, kaya ako ay naniniwala na kaya niyang gampanan ang tungkulin bilang Senate President.

Mahalaga ang papel ng isang pinuno ng Senado.

Kasunod ng Pangulo ng bansa at Pangalawang Pangulo ang Senate president o ang ikatlong pinakamataas na opisyal ng Pilipinas.

Itinatadhana itong gumanap bilang Pangulo sa panahong wala pang napipili o naging marapat na Pangulo o Pangalawang Pangulo ng bansa o sakaling sila ay kapwa mamatay o pamalagiang mabalda.

Nakaatang din sa kanyang balikat ang paggawa  at pagsuporta sa mga kapaki-pakinabang na batas para sa mamamayan.

Kaya nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado ay dahil masyadong malamya raw si Pimentel.

Masagwa nga namang tingnan na magiging tau-tauhan lang ang Senate President sa paningin ng iba.

Kung ganito ang kalakaran, walang mararating ang kanyang pinamumunuan.

Dahil sa nangyaring reporma, pinatutunayan lamang nito na hindi pinanghihimasukan ng ehekutibo ang mga ganitong usapin.

Walang kinalaman ang Pangulo rito.

Inaasahan na ng ating mga kababayan na ang mga batas na hanggang ngayon tinutulugan daw  ay magkakaroon na ng katotohanan.

Magaganda raw ang mga nakabiting batas para sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga mahihirap nating kababayan.

Hindi na siguro maghihintay pa nang matagal ang mga nakasad­lak sa kahirapan na lalo pa silang malugmok.

Kailangan talaga ng Senado ng isang Pangulo na gumagawa at hindi sunud-sunuran.

Kailangan ang isang pinuno na magbibigay ng kasiguruhan sa nakararaming mamamayan na umaasang makaaahon sa pamamagitan ng mga batas na itinutulak sa Senado.

o0o

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas -6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am) at kasalukuyang host ng Public Service program sa PTV 4 ang KILOS PRONTO, tuwing alas 4 y medya hanggang alas-5 y medya ng gabi, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood niyo rin ako sa PTV SENTRO BALITA araw-araw dakong ala-1 ng hapon. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o pwede ni’yo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos​

Comments are closed.