PAGBABAGONG DALA NI DSWD SEC. ERWIN TULFO

BAGO umupo noon si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang, inaamag ang mga reklamo ukol sa mahabang pila sa mga ahensiya ng gobyerno.

Nagdurusa ang mga nag-aaplay at nagre-renew ng lisensiya at mga business permit.

Ang simpleng pagkuha ng driver’s license ay naging pahirapan at matindi ang pila ng mga aplikante at kung sinu-sino pa ang pumipirma.

Pinahihirapan din noon sa pagpila pati ang mga kumukuha ng building permit o pag-aayos ng mga titulo ng lupa.

Parang kalbaryo sa kanila ito kahit hindi naman Semana Santa.

Kaya nang maging Presidente, nilagdaan ni ex-Pres. Duterte ang Ease of Doing Business Act of 2018 o Republic Act 11032.

Siyempre, layon ng batas na wakasan ang bureaucratic red tape sa mga institusyon sa gobyerno.

Dahil dito, napabilis ang mga transaksiyon, nababawasan, at naiiwasan na ang red tape o corruption sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Ang nasabing batas din ang lumikha ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Malaki ang naging epekto nito sa mga tanggapan ng gobyerno.

Humaba ang validity ng lisensya, pasaporte at iba pa.

At sa pag-alis naman ni dating Pangulong Duterte sa Palasyo, hindi ito nangangahulugan na tuloy ang ligaya ng mga tutulog-tulog sa pansitan na mga government employee.

Hindi uubra iyan kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo.

Nakarating daw kasi sa kaalaman ni Tulfo na hindi tinatrato nang maayos at binabalewala ang ilang taong lumalapit sa ahensya.

Ayaw ni Tulfo ng ganyan.

Galit siya sa mga nagtataray, nagsusungit, at bastos sa kawani.

Tama nga naman si Tulfo dahil taumbayan ang kanilang pinagsisilbihan.

Ibig sabihin nito, bawal sa DSWD ang nakasimangot, nakakunot ang noo, at nagsasalubong ang kilay sa harap ng mga humihingi ng ayuda.

Sinasala ring maigi ni Tulfo ang listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

May mga nakakakuha raw kasi na hindi naman karapat-dapat.

Kung hindi ako nagkakamali, isusulong din daw ng bagong kalihim ang pagtatayo ng youth rehabilitation centers sa bawat rehiyon sa bansa.

Kapag nare-rehabilitate daw kasi ang mga kabataan, hindi malayong magtagumpay ang mga ito ano man ang tatahakin nilang landas o propesyon.

Mantakin ninyo, wala pang isang linggo sa posisyon ay namahagi agad ng P500 na ayuda para sa mga mahihirap na pamilya ang liderato ni Tulfo.

Tututukan din ni Tulfo ang ‘risk and disaster management systems’ sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Bagama’t hindi isang social worker, 22 taon naman ang karanasan ng broadcast journalist sa public service.

Aba’y bagay sa DSWD ang kalibre ni Tulfo o sa alinmang tanggapan ng gobyerno.

Ipinamamalas ng bagong kalihim ang matigas at matapang niyang paninindigan at desisyon sa pagsisilbi sa bayan.

Hindi uubra ang pa-nice guy effect sa gobyerno.

Gayunman, mahalaga pa ring i-akma o ibalanse sa tamang sitwasyon ang matatag na paninindigan at pasya sa loob ng pinaglilingkuran niyang ahensya.

Nawa’y maipatupad nang maayos ni Sec. Tulfo ang mga mandato ng DSWD.

Naniniwala naman ako na hindi ningas-kugon ang mga ginagawa niya sa kasalukuyan.

Nasusuka’t nagsasawa na kasi ang taumbayan sa praktis o nakagawian ng ilang government offices na pabalik-balikin pa sila kahit maaari namang gawin sa maikling panahon.