SA gitna ng pagkabahala ng buong mundo sa bagong COVID-19 variant na Omicron, hinimok ni Senador Imee Marcos ang gobyerno at pribadong sektor na samantalahin ang alok ng World Health Organization na makabagong blood-testing technology na walang paghigpit sa paggawa at madaling gamitin sa kanayunan.
Ani Marcos, dapat palakasin ng bansa ang kapasidad sa testing “ngayon, higit pa kaysa dati” gamit ang naturang teknolohiya upang suportahan ang national vaccination program na naaabala pa rin ng pag-aatubili ng publiko, kawalan ng maayos na imbakan at aberya sa paghahatid sa mga malalayong isla at mga bulubunduking lugar, gayundin ang lumolobong kakapusan ng karayom ng mga hiringgilya sa buong mundo.
“Hindi sapat ang pagbabakuna lang para makontrol ang pandemya dahil sa patuloy na paglitaw ng mga variant gaya ng Delta at Omicron. Kailangan maagap tayo sa pagkalat ng virus, sa pamamagitan ng mas maagang pagtukoy at paghihiwalay sa mga tinamaan, kung ayaw nating bumalik sa malawakang lockdown at humina lalo ang ating ekonomiya,” paliwanag ng Senate economic affairs committee chairman, bago pa man ang tatlong araw na puspusang pagbakuna simula Lunes.
Dagdag ni Marcos, naghahanda na ang mga eksperto kung sakaling mabawasan ang bisa ng mga bakuna dahil sa Omicron, na natuklasang
paulit-ulit na nag-ibang anyo mula sa orihinal na virus at maaaring mas madaling makapasok sa katawan ng tao.
Nilagdaan na ng WHO at ng blood-testing technology developer na Consejo Superior de Investigaciones Cientificas (Spanish National Research Council) ang kasunduan na wala nang babayaran ang mga kukuha ng lisensya sa paggawa ng nasabing teknolohiya at tuturuan pa sila kung paano ito gagamitin.
“Ang gobyerno at ang ating industriyang pangkalusugan ay dapat makakuha ng nasabing lisensya.
Solusyon ito sa hindi patas na pagbahagi ng mga bakuna sa mga mahihirap at middle income na bansa, gayundin sa ating mga mahihirap na munisipalidad,” ani Marcos.
Ang mga rural area na may simpleng laboratoryo ay puwedeng gumamit ng nasabing teknolohiya na madaling nakakatukoy ng COVID-19 antibodies bunga ng impeksyon o pagbabakuna, anunsyo pa ng WHO.
Sa kasalukuyan nasa 40 milyon na ang fully vaccinated na Pilipino o 36% ng tinatayang populasyon na 111 milyon, pero hamon pa rin sa gobyerno na maabot ang target na 70% bago matapos ang taon.
Bagaman bumaba ang infection rate mula sa lampas 26,000 kada araw noong Setyembre hanggang sa hindi na umabot sa 1,000 noong nakaraang linggo, nagbabala si Marcos na walang ligtas sa muling pagsiklab ng pandemya na nangyayari ngayon sa Africa at Europa.
“Sa harap ng kumokonti nang kaso ng Covid at papalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan, baka balewalain lang ang mga paalala sa pag-iingat sa virus. Kunin na natin ang kailangang lisensya upang madagdagan ang ating testing capacity at mabantayan ang ating kinabukasan,” giit ni Marcos. VICKY CERVALES