SINIMULAN na sa lungsod ng Lucena ang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang.
Pinangunahan ni Lucena City Mayor Dondon Alcala kasama sina Kuya Mark Alcala, City Administrator Anacleto Alcala, Jr., Dr. Jaycee Tabernilla at ang ilang opisyal ng Department of Health Region IV-A ang pormal na pagsisimula ng Resbakuna Kids na isinagawa sa SM City Lucena, kamakailan.
Ayon kay Mayor Alcala, ang bakuna ang tanging panlaban sa nakamamatay na sakit na Covid-19 kaya naman ang lahat ay hinihikayat na magpabakuna. Sa unang araw ng pediatric vaccination, tinatayang nasa tatlong daan (300) mga batang nasa naturang age group ang nabakunahan.
Ayon naman kay Admin. Alcala na sa mga susunod na mga araw ang target na mabakunahan ay limandaang (500) mga bata kada araw.
Ayon sa datos ng pamahalaang panlungsod, nasa mahigit 40,000 ang kabilang sa 5-11 age group sa lungsod at target nilang mabakunahan ang nasa 70% nito.
Nilinaw din ni Admin Alcala na upang maiwasan ang pagdagsa ng mga gustong magpabakuna, ang prayoridad ngayon ay ang mga batang makikiisa sa nalalapit na pagpapatupad ng face-to-face classes sa lungsod ng Lucena.
Samantala, ang mga dokumentong kailangan para mabakunahan ang mga bata ay consent ng magulang, birth certificate o baptismal at guardian authorization kung hindi magulang ang kasama ng bata.