SISIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang baksinasyon ng mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang ngayong araw.
Base sa Taguig City Vaccination Task Force Advisory No. 45, sisimulan ng lungsod ang COVID-19 vaccination rollout para sa mga natitira pang pediatric population na wala namang comorbidity, sa mga residente ng lungsod at nag-aaral sa eskwelahan sa lungsod na nasa edad 12 hangang 17 sa dalawang mega vaccination hubs ng lungsod sa Lakeshore Hall at Bonifacio High Street.
Ang Medical Center Taguig naman, ayon sa TRACE Taguig, ay magsisilbing venue lamang ng baksinasyon ng mga menor de edad na may comorbidities.
Matatandan na sinimulan ng lungsod ang baksinasyon sa mga menor de edad na may comorbidities noong Oktubre 25 sa St. Luke’s Medical Center-Global City habang sa Medical Center Taguig naman ay nagsimula ng Oktubre 26.
Ang Pfizer-BioNTech at Moderna vaccines ang mga bakuna na inaprubahan ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) na gamitin para sa mga indibidwal na nasa edad 12 taong gulang pataas.
Sumunod naman ang Taguig City Vaccination Task Force sa Circular No. 2021-0494 ng Department of Health (DOH) tungkol sa baksinasyon ng mga kabataan na inilagay sa klasipikasyon ng Pediatric A3 group.
Ayon pa sa task force, kabilang sa mga may comorbidities na pinayagan para sa baksinasyon ng Pediatric A3 ay ang may mga medical complexity, genetic conditions, neurologic conditions, metabolic/endocrine diseases, cardiovascular diseases, obesity, HIV infections, tuberculosis, chronic respiratory diseases, renal disorder, hepatobiliary diseases at mga immunocompromised state dahil sa sakit o panggagamot.
Idinagdag pa ng task force na hindi tatanggap ang mga vaccination site sa lungsod ng mga walk-ins at ang lahat ng mga menor de edad na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang ay kailangang may kasamang magulang o tagapagbantay sa kanilang iskedyul ng pagbabakuna. MARIVIC FERNANDEZ