POSIBLENG bago mag-adjourn ang Kongreso sa Hunyo 3, babalik na sa ere ang ABS-CBN sa pamamagitan ng pansamantalang prangkisa. Ito ay dahil lumusot na sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ang panukalang pagbibigay ng provisional franchise sa naturang giant network at naghihintay na lamang na maaprubahan sa ikatlong pagbasa.
Sabi nga ng ating kasamahang senador na si Senate Majority Leader Migz Zubiri, agad na tatalakayin ng Senate committee on public services ang nasabing panukala, sa sandaling maisumite na ito ng Mababang Kapulungan para bago pa man mag-sine die, ay makapag- on-the-air na ang ABS.
Nagpapasalamat tayo sa Lower House dahil sa kanilang pag-constitute ng committee of the whole na siyang nagpabilis sa galaw ng panukala.
Pero sakaling magtagal pa ang pagdinig nito sa Kamara, maaari namang magsimula na kami sa Senado sa pagdinig sa franchise renewal.
Gayunman, naniniwala tayo na agad nang matatapos ang debate rito ng Kamara upang mapagdesisyunan na rin ito ng Senado sa loob ng ilang linggo bago pa tayo mag-adjourn.
ISINUSULAT natin ito, kasalukuyang sinasalanta ng bagyong Ambo ang Eastern Visayas at ang ilang lalawigan sa Kabikulan.
Kaya panawagan natin sa mga pamahalaang lokal sa mga lalawigang sakop ng mga apektadong lugar na gawin ang lahat ng nararapat para mailigtas ang ating mga kababayan doon, pero siguruhing hindi nila maisasantabi ang mga ipinatutupad na alituntunin kontra Covid-19.
Oo nga po’t maililigtas ninyo ang mga kababayan natin mula sa bagyo, pero baka naman makaligtaan natin ang panganib ng COVID, kaya paalala lamang po na isa ito sa gawin nating prayoridad.
Mahirap po ang sistema sa mga evacuation center, alam po natin iyan, pero sundin din po natin ang COVID-19 protocols para maiwas sila sa napakadelikadong karamdamang ito.
Sa ganitong pagkakataon, talaga pong mahihirapan ang LGUs dahil karamihan ng mga ginagamit na evacuation centers noon, ginagamit ng quarantine facilities ngayon. Kaya kung maaari po, agad tayong makahanap ng mga alternatibong lugar na maaaring paglagakan sa ating evacuees.
MAGANDA para sa pagbabangon ng ekonomiya ang corporate tax reform bill pero sa pagkakataong ito, mas mainam na isailalim ito sa ilang pagrebisa bago tuluyang isabatas sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Nitong nakaraang dalawang linggo, napagkasunduan sa isang caucus sa Mataas na Kapulungan na ibilang sa mga nakalinyang agenda ng Senado ang pagtalakay sa Senate Bill 1357 o ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) mula Mayo 4 hanggang Hunyo 5.
Mababatid na ang CITIRA ay isang panukalang batas na naglalayong isailalim sa reporma ang corporate tax sa pamamagitan ng pagpapababa sa corporate income tax nang hanggang 20 porsyento.
Bagaman pumasa na ito sa Kamara, nabimbin ito sa Senado dahil inabutan na ito ng recess at sumambulat pa ang COVID-19, dahilan upang isailaim sa lockdown ang buong Luzon. Sa pangyayaring ito, nahagupit nang husto ang ating ekonomiya.
Bilang tayo po ang vice chairman ng Senate committee on ways and means, nais po nating amyendahan ang nabanggit na panukala upang matiyak na makatutulong din ito sa laban natin sa COVID-19.
Kung hindi po kasi ito sasailalim sa pagrebisa, maaaring maapektuihan ang investors at magdalawang-isip sila sa pagnenegosyo sa bansa. Kailangan talagang may mabago sa panukalang ito.
Bukod sa nasabing panukala, nakabimbin din sa Mataas na Kapulungan ang mga proposisyon tulad ng pagpapasimple sa tax structure ng financial instruments at ang pagkakaroon ng uniform framework para sa real property valuation. Pumasa na ang mga panukalang ito sa Kamara noong isang taon, dakong Setyembre at Nobyembre, ayon sa pagkakasunod.
At ayon nga kay NEDA Secretary Kendrick Chua, nakikipag-usap na ang kanyang tanggapan sa Kongreso kaugnay sa possible investments na maaaring ipagkaloob sa essential industries.
Ayon pa po kay Sec. Chua, maaari itong maging kombinasyon ng targeted at time-bound tax incentives at posibleng magpatupad din ng credit guarantees at direct subsidies para sa mga manggagawa ng mga industriyang ito.
Comments are closed.