HINILING ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Diseases, na pag-aralang mabuti ang guidelines at alamin ang kinakailangang health and safety protocols bago payagan ang pag-aangkas sa motorsiklo.
Kasabay nito ay nanawagan din ang senador sa mga commutter na sumunod sa health safety guidelines. “Malaking tulong sa ating mga kababayan kung papayagan ang ‘backriding’ sa motorsiklo lalo na dahil limitado pa ang public transportation. Huwag lang po natin madaliin. Siguraduhin dapat na magagawa ito sa ligtas na paraan.”
Pinuri ni Go ang desisyon ng IATF na payagan na ang backriding basta’t maisaayos ang guidelines. Magpapabuti aniya ito para sa paggalaw ng publiko at sa kabuhayan
“Dapat pag-aralan muna kung ‘yung mga proposals tulad ng paggamit ng plastic dividers sa gitna ng nagmamaneho at ng pasahero ay sapat upang hindi makahawa ng sakit. Ikonsidera rin dapat kung ang mga proposed safety measures na ito ay hindi makakasama sa kaligtasan ng pagmomotorsiklo at sa kalsada,” pagbibigay diin ni Go.
Nauna nang iminungkahi ni Go sa gobyerno na pag-aralang mabuti ang posibilidad na payagan ang backriding sa mga motorsiklo.
“Una sa lahat, buhay muna ng tao ang pinaka-importante sa anumang desisyong gagawin ng gobyerno,” pahayag pa ng senador.
“Hindi pa tapos ang laban. Nariyan pa rin ang banta ng pandemyang ito. Kaya hinihikayat ko ang ating mga kababayan na huwag maging kampante. Sumunod tayo sa mga health protocols, lalo na ang social distancing at pagsuot ng face masks,’’ paalala pa nito.
“Kung ano po ang gagawin natin sa susunod na mga araw, kung paano po tayo magtutulungan na maiwasan ang pagkalat ng sakit, kung paano po natin mas maisasaayos ang ating health facilities — ito po ang tanging makakapagsabi kung kailan tayo makababalik muli sa normal na pamumuhay at tuluyang matapos ang krisis na dulot ng COVID-19,” ayon pa kay Go.